Hindi ko alam kung saan hahagilapin ang susi—ang alam ko lang, kusa itong bumubukas. Sana ganoon ulit bukas.
Ito ang pinakaaabang-abangan ko sa tuwing darating ang mga amo sa bahay. Sa pagkakaalam ko kasi, dito sila kumukuha ng mga bagay na bumubuhay sa akin. Tubig na maiinom, pagkain na pupuno sa tiyan, baon na dadalhin ko sa pakikipagsapalaran, at mga dahilan upang magsama-sama kami sa iisang mesa.
Subalit tila isang suntok sa buwan na maulit ito nang madalian, lalo pa at madalas silang nakikidigma. Kalaban ang 32 milyong tao ayon sa estadistika ng mga mandirigmang naglalaro sa kalat ng “Scatter”—nakikipagsapalaran sa iba’t ibang patimpalak at hindi sigurado sa tagumpay. Minsan naman nilang napagtagumpayang umuwi nang wagi, kaya nakapagpiyesta kung minsan.
Pero madalas tuyo ang lalamunan, sapagkat kahit ang tubig ay hindi mabayaran dahil isa ito sa mga itinaya—bukod sa susi na nakapagbubukas sa pridyider, nakataya ang kinabukasan, hinaharap, kahit ang nakaraan.
Kinabukasang pinag-iipunan, na sana para sa pag-aaral ko na lang, na para sana sa ipon kung may mangyaring hindi inaasahan, para sana sa ikagiginhawa ng bukas para hindi na nalalasap ang paghihikahos ng hinaharap; na siya ring isinugal, kasama ng 32 milyong taong sugapa sa sugal, ang hapunan sana ngayon ay nagiging “hapo na lang muna.”
Noon pa man ay ganito na ang sistema, mula sa nakaraang nakasanayan nila, na umupo sa harapan ng mga taong hindi pa man nakapagsisipilyo basta’t pumapaldo sa baraha, talo nito ang mabahong hininga.
Hindi marahas ang pakikidigmang sinasabakan ng amo, kundi isang palaro, at sa sugal na ito. Hindi lang siya ang nakataya, pati ang buhay na nakatala sa loob ng tahanan ay siya ring nasa banga.
Sa paulit-ulit na sistema, parang wala naman talagang susi ang pridyider dahil ang tunay na nakasarado ay ang utak nila at higit na nakakandado ang pitaka’t bulsang butas-butas na.
Written by Sean Rain E. Santos
Sean Rain E. Santos is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



