Sobra sa Pondo, Kapos sa Serbisyo

Sa kabila ng bilyon-bilyong pisong inilaan para sa serbisyong pangkalusugan sa bansa, nararapat lamang na magkaroon ang bawat Pilipino ng serbisyong pangkalusugan na abot-kaya, may kalidad, at para sa lahat. Ngunit sa kabila ng malaking pondong inilabas ng pamahalaan, nahaharap pa rin sa malaking problema ang nabubulok nating sistema ng kalusugan sa ating bansa.

A

AGOS

Author

6 min readAugust 3, 2026
Sobra sa Pondo, Kapos sa Serbisyo

Sa kabila ng bilyon-bilyong pisong inilaan para sa serbisyong pangkalusugan sa bansa, nararapat lamang na magkaroon ang bawat Pilipino ng serbisyong pangkalusugan na abot-kaya, may kalidad, at para sa lahat. Ngunit sa kabila ng malaking pondong inilabas ng pamahalaan, nahaharap pa rin sa malaking problema ang nabubulok nating sistema ng kalusugan sa ating bansa.

Sa panukalang 2026 national budget, umabot sa ₱253.8 bilyon ang inilaan ng ating gobyerno para sa serbisyong medikal—2.4% na mas mataas kaysa sa ₱247.9 bilyong badyet noong 2025—kabilang ang pondong nakalaan para sa mga pasilidad at health workforce. Sa halagang ito, ang malaking bahagi ng pondo ay inilaan sa mga pangunahing programa ng Department of Health (DOH), tulad ng pagpapaunlad ng mga pasilidad at pagbili ng mga kagamitang medikal. Gayunpaman, nananatili pa rin ang mga problema sa kakulangan ng kapasidad at access sa serbisyong pangkalusugan sa Pilipinas. 

Kulang sa mga kagamitan, hindi sapat ang mga pampublikong ospital, at mga healthcare workers na walang tigil na nagtatrabaho ngunit hindi nabibigyan ng sapat na sahod at benepisyo. Sa isang pag--aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), 41% lamang ng mga pampublikong ospital ang nakatutugon sa itinakdang staffing pattern ng DOH, habang dalawa sa bawat 10 ospital lamang ang mayroong kumpletong suplay ng mga mahahalagang gamot na lubos na kailangan ng mga pasyente. 

Dagdag pa rito, sinabi ng ahensiya na 106,000 nars ang kinakailangan ng mga ospital sa buong Pilipinas, ito ay patunay ng malawakang kakulangan sa mga kawani na dapat ay nag-aalaga sa mga pasyente. Paano tayo magkakaroon ng maayos na sistema, kung ang mga tao mismong dapat na nagkakalinga sa kapwa Pilipino ay unti-unti nang umaalis sa ating bansa dahil sa maliit na sahod at kakulangan sa mga benepisyo? 

Maraming pasyente rin ang hindi nabibigyan ng sapat na atensyon at serbisyong medikal dahil sa kakulangan ng mga kawani. Ayon sa report ng Second Congressional Commission on Education (EDCCOM II), nangangailangan ang Pilipinas ng humigit-kumulang 290,000 healthcare workers, kabilang na rito ang nars, doktor, midwives, at allied health workers upang mapunan ang malaking kakulangan sa bansa. Sa kasalukuyan, mayroon lamang 21.2 na health workers para sa bawat 10,000 mamamayan, na mas mababa sa target ng World Health Organization (WHO). 

Kung ang sistemang pangkalusugan ay nilikha upang mag-alaga at magsilbi sa mga mamamayan, bakit tayo pa ang higit na naghihirap dahil sa pagkukulang nito? Mabuti sana kung nararamdaman natin ang kalinga at pag-aalaga ng sistemang ito mula pagpasok sa ospital hanggang sa ating paggaling. Ngunit sa halip na ganito ang mangyari, marami pa ring Pilipino ang napipilitang maghintay nang matagal, gumastos nang malaki, o kaya'y sumuko na lamang dahil sa dami ng dokumento na kailangang lakarin. Ito’y isang sistema na nilikha upang tumulong at magbigay ng pag-asa, pero bakit tila nagiging sanhi pa ng pagdurusa?

Hindi natin maitatanggi na ang kakulangan sa kawani ay nagdudulot ng mas mabagal na serbisyo at mas mabigat na pasanin para sa mga healthcare workers na kumakayod nang magdamag upang magkaroon ng sapat na tauhang mag-aasikaso sa mga pasyente. Ilan lamang ang mga doktor, nars, at iba pang health allied workers ang kailangang mag-asikaso sa daan-daang pasyente sa ospital araw-araw, ngunit patuloy pa rin silang lumalaban para gampanan ang kanilang tungkulin. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, hanggang saan ito aabot kung kulang ang suporta at tulong na kailangan nila?

Noong Marso 2025, dahil sa pagtaas ng bilang ng mga pasyenteng umaasa lamang sa mga pampublikong ospital dahil sa mas abot-kayang serbisyong medikal ay umabot sa puntong puno na ang mga emergency room ng Philippine General Hospital (PGH), dahilan upang himukin ang ilang pasyente na pumunta at lumipat na lamang  sa ibang pampublikong ospital. Ipinakita nito kung paano patuloy na nahaharap sa problema ng overcrowding ang ilang pangunahing pampublikong ospital dahil sa kakulangan sa mga kuwarto at pasilidad  para sa mga  pasyente. 

Ang pondong inilaan para sa sistema ng kalusugan ay pera mismo ng taumbayan—bawat sentimo ay nagmula sa pawis ng mga mamamayang patuloy na nagbabayad ng buwis, kaya nararapat lamang na malinaw kung saan ito napupunta, paano ito ginagamit, at kung sino ang gumagamit. Dahil kung ang pondong para sa ating kalusugan ay hindi napapangalagaan,  nagagamit nang wasto, at napupunta sa pangangailangan ng bawat Pilipino, sino ba ang tunay na makikinabang—at sino ang patuloy na magdurusa? 

Ang kalusugan ay hindi pribilehiyo ng iilan—ito ay karapatan ng bawat mamamayan. Malinaw na nakasulat sa Artikulo ll, Seksyon 15 ng 1987 Philippine Constitution na tungkulin ng Estadong protektahan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng bawat mamamayan. Idagdag pa ang Republic Act No. 11223 na tinitiyak na ang bawat Pilipino ay awtomatikong kasama sa National Health Insurance Program upang magkaroon ng pantay na akses sa de-kalidad at abot-kayang serbisyo.  Kaya nararapat lamang na tiyakin  ng ating gobyerno na ang pondong inilaan para sa sektor ng kalusugan ay tunay na napupunta sa mga serbisyong kailangan ng mamamayan.

Kaya naman, hanggang kailan natin paiiralin ang ganitong klaseng sistema? Hindi ba't sobra-sobra ang pondong inilaan para sa atin, ngunit bakit nananatili tayong nasa laylayan? Isa lamang ang sagot—hindi sapat ang malaking pondo upang matugunan ang tunay at lumalaking pangangailangan ng taumbayan. Habang lumulobo ang bilang ng mga pasyenteng nangangailangan ng serbisyong medikal, nananatili pa ring bulok ang ating sistema. Sa ating sitwasyon, hindi lamang pondo ang dapat pagtuunan ng atensyon, kundi kung paano ito ginagamit upang matiyak na ito’y napapakinabangan ng bawat Pilipino. 

Dahil sa usapin sa kalusugan hindi dapat kailangan maghintay, magtiis, o mangamba ng mga tao para lamang makakuha ng serbisyong nararapat lamang sa kanila. Ang patuloy na kakulangan sa kapasidad ng mga pampublikong ospital ay nagdudulot ng mas mahabang paghihintay, at limitadong serbisyo para sa mga pasyente na nagdudulot ng paglala ng kanilang karamdaman lalo na sa mga mamamayan na walang kakayahang magbayad sa mga pribadong ospital.  

Hindi dapat manatili sa papel ang bilyon-bilyong pondong inilaan para sa sistema ng kalusugan—dapat itong maging matibay na kagamitan, maraming pampublikong ospital, mas maraming kawani, mas maikling pila, at serbisyong tunay na nararamdaman ng bawat Pilipino. Nararapat lamang tayong manghingi ng pananagutan, humingi ng transparency, at igiit ang serbisyong nararapat sa bawat mamamayan. 

Dahil ang bilyon-bilyong pondo ay hindi dapat nauuwi sa bilyon-bilyong pangako na napapako lamang. Ang kalusugan ay karapatan ng mga mamamayan—hindi lamang pribilehiyo ng iilan, at lalong hindi dapat ipinagkakait kanino man.  Kung pera ng taumbayan ang ginagamit, dapat sila mismo ang unang makaranas ng serbisyong ito. Kaya ang tanong ng bawat tao  ay hindi na lamang “Saan napupunta ang pondo?” kundi “Kailan ito tunay na mararamdaman ng bawat Pilipino?”

A

Written by AGOS

AGOS is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Opinion

AAGOS

Kaunlarang Kapalit ng Soberanya

“Ayos ‘to, ah!” Iyan marahil ang unang naging reaksyon ng karamihan nang lumabas ang balita tungkol sa Pax Silica. Sa unang tingin, tila isa itong malaking oportunidad upang mapaunlad ang ekonomiya at paggawa ng trabaho. Ngunit hindi lahat ng proyektong ipinangako ng magdadala ng kaunlaran ay tunay na nagsisilbi sa interes ng bayan. Kung ang pag-unlad ay nakasalalay sa pagsasakripisyo ng ating likas na yaman, soberanya, at kabuhayan, maituturing ba itong tunay na kaunlaran?

6 days ago 3 min read
SSamantha T. Velasco

Safer, According to Whom?

There's something fascinating about numbers—they never argue. They never interrupt. They just simply appear with percentages, official statements, yet its enough certainty to make reality question itself. Recently, the Philippine National Police (PNP) announced that the country has become safer, citing a 20.6% decline in eight focus crimes, with the expansion of the Safer Cities Initiative, and increased police visibility. On paper, it's an encouraging story. Fewer crimes. More patrols. Better security.

8 days ago 3 min read
TTrixelle Mae B. Bumatay

Whose Paradise?

The word “waste” is meant for things we no longer find useful. An empty bottle. A torn plastic bag. Leftover food. Things we throw away without looking back. It was never meant to describe a river that once gave life. A forest that sheltered generations. Or a community that had called the land home long before roads, boundaries, and government offices ever existed.

12 days ago 7 min read
Explore all Opinion articles