Sa panahon ngayon, isang pindot lamang ang namamagitan sa tao at sa mundo ng teknolohiya. Kung ating titingnan, tila binuwag na ng teknolohiya ang imposibilidad. Ngunit sa likod nang mabilis at walang humpay na pag-ikot ng mga makina, may mga bagay na unti-unting nababaon sa limot: ang mga pisikal na patunay ng pagiging malikhain ng tao.
Ang usaping ito ay hindi isang kathang-isip o espekulasyon lamang. Ito ay isang isyu na napatunayan kamakailan lamang sa mga dokumento ng korte sa United States. Nabunyag sa publiko ang isang palihim na operasyon ng Anthropic—ang ng malaking kompanya ng Artificial Intelligence (AI) na lumikha sa Claude—na tinatawag nilang "Project Panama.”
Ayon sa mga ulat ng mga pahayagang The Washington Post at The Guardian, umamin ang kompanya na bumili sila ng milyun-milyong pisikal, luma, at hindi na nailalathalang aklat upang gawing training data. Gumamit sila ng mga makina upang hiwain ang mga spine ng aklat, ini-scan ang bawat pahinal, at pagkatapos ay tuluyang sinira at giniling ang mga orihinal na kopya upang makatipid sa espasyo ng bodega.
Layunin ng Anthropic na gamitin ang mga pambihira at natatanging aklat bago ang 2022 upang gawing mas matalino, at tila "tao" ang kanilang Large Language Model (LLM). Upang takasan ang pananagutan sa copyright, ginamit ng nila ang isang legal na butas sa ilalim ng First-Sale Doctrine. Sa kasong Bartz v. Anthropic, nagbaba ng desisyon ang korte na "fair use" ang pag-scan sa mga aklat kung ang orihinal na pisikal na kopya ay tuluyang sisirain.
Ang ganitong kilos ay nagdulot ng matinding pangamba at takot sa mga eksperto. Binansagan ito bilang isang anyo ng "cultural barbarism" na inihalintulad sa modernong bersyon ng pagsunog sa sinaunang Library of Alexandria. Sa oras na maglaho ang mga orihinal na kopyal, tuluyan na rin nating pinapatay ang mga pisikal na ebidensya ng ating kakayahan, at binubuhay ang mga makinang nakadepende lang din naman sa tao.
Ang pag-unlad nang walang etika ay lason sa’ting kultura. Kinakailangan natin nang mas mahigpit na batas at regulasyon upang protektahan ang intellectual property ng mga manunulat. Suportahan ang lokal na komunidad sa pamamagitan ng pagbili ng mga pisikal na libro, at muling pagbuhay sa mga aklatan at museo.
Huwag nating isuko ang ating pagkatao kapalit ng mabilis na serbisyo, dahil ang teknolohiya ay dapat manatiling kasangkapan lamang ng tao, at hindi ang siyang magbubura ng ating kasaysayan at pinagmulan. Nawa’y pagka ingatan natin ang mga pisikal na patunay ng ating talino bago ang lahat ng ito ay maging abo at tuluyang maglaho sa alaala ng mundo.
Written by Arianna D. Tupas
Arianna D. Tupas is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



