Kamakailan lamang, bilang pagdiriwang sa Buwan ng Wika ngayong Agosto, inilabas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang tema para sa pagdiriwang sa taong ito: "Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon."
Ngunit ang tanong, kailan pa naging kasangkapan at tulay sa pananaliksik sa mayamang impormasyon ang isang bagay na mapanira at mapanlinlang sa lipunan?
At kung manggagaling ito mismo sa komisyon, kung saan dapat pinapahalagahan ang pagpapayabong sa mayamang impormasyon, para na rin nilang sinabi na isa sila sa problema.
Hindi isang kasangkapan ang Artificial Intelligence (AI) sa pagpapayabong ng mayaman na impormasyon; isa itong kasinungalingan na dapat ikondena. Sapagkat kung dedepende na ang mga tao dito at hindi na nilapatan ng sariling kaisipan, hindi na ito tulay sa pagpapayaman ng impormasyon o isang kasangkapan.
Ayon sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) ang mga AI systems ay na-ensayo para sa humigit-kumulang 100 na wika lamang sa mahigit 7,000 na wika sa mundo. Iniulat din ng UNESCO na 90% ng online higher-education materials ay nanggaling sa europa o sa hilagang bahagi ng amerika, kung kaya't may posibilidad na mas nangingibabaw ang mga pananaw ng rehiyong ito sa mga AI systems kaysa sa ibang lugar.
Hindi sapat ang impormasyon na kayang ibigay ng AI kung kaya't hindi ito maaaring maging kasangkapan sa pananaliksik. Totoo. Madali ang proseso kapag ginagamit ito, ngunit hindi palaging tama ang naibibigay na impormasyon nito.
Kung gayon, matatawag pa bang tulay sa mayamang impormasyon ang bagay na panandaliang impormasyon lamang ang maibibigay?
Hindi lahat ng tulay ay patungo sa mayabong na kaalaman. Dahil ang tunay na mayaman sa impormasyon ay manggagaling pa rin sa kaisipan ng tao. Tao na marunong magsuri ng katotohanan, maghambing ng mga impormasyon, at magbigay ng sariling pananaw.
Kaya sa halip na tangkilikin ang paggamit at pagkilala dito bilang kasangkapan sa pananaliksik at tulay sa mayamang impormasyon, dapat mas isulong at hikayatin ang mga tao sa paggamit ng kanilang mayamang kaisipan.
Mas magiging mayabong ang ating wika't kaalaman kung gagamitin ang sariling kaisipan nang hindi ginagamitan ng artipisyal na katalinuhan dahil hindi kailanman mapapantayan ng AI ang masining at masaganang kaalaman ng isang tao.
Sa mundong punong-puno ng impormasyon, tao pa rin ang nagpayabong, hindi lamang sa wika pati na rin sa kultura at kasaysayan na hinding-hindi mapapantayan ng isang teknolohiyang artipisyal lamang.
Written by Pearl Francene Aldovino
Pearl Francene Aldovino is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



