Ang mga Wakas na Ninakaw ng Umaga

May isang uri ng lason ang oras na hindi natin agad nalalasahan: ang katotohanang marami sa ating mga “huling beses” ay nagaganap nang walang kasamang babala, walang luha, at walang seremonya. Pinalaki tayo sa mga kuwentong ang bawat pagtatapos ay may huling hapon—may huling habilin, may huling yakap, may huling sulyap. Ngunit sa totoong buhay, ang pinakamahahalagang wakas ay madalas na nagaganap nang patago. Isang tahimik na magnanakaw sa gitna ng isang ordinaryong araw.

J

Jasmine Parohinog

Author

3 min readMay 23, 2026
Ang mga Wakas na Ninakaw ng Umaga

May isang uri ng lason ang oras na hindi natin agad nalalasahan: ang katotohanang marami sa ating mga “huling beses” ay nagaganap nang walang kasamang babala, walang luha, at walang seremonya. Pinalaki tayo sa mga kuwentong ang bawat pagtatapos ay may huling hapon—may huling habilin, may huling yakap, may huling sulyap. Ngunit sa totoong buhay, ang pinakamahahalagang wakas ay madalas na nagaganap nang patago. Isang tahimik na magnanakaw sa gitna ng isang ordinaryong araw.

Isipin mo ang huling beses na binuhat ka ng iyong ama bago ka naging masyadong mabigat para sa kanyang mga bisig. Walang nag-anunsyo na iyon na ang huling pagkakataong nakatapak ang mga paa mo sa ulap gamit ang lakas ng kanyang katawan. Ibinaba ka niya, nagpagpag ng kamay, at nagpatuloy ang mundo. Isipin mo ang huling beses na naglaro kayo ng mga kababata mo sa kalsada bago kayo tuluyang nilamon ng kanya-kanyang responsibilidad. Walang nagsabi sa inyo, “O, ito na ang huling taya, ha? Bukas, mga estranghero na tayo.” Pumasok lang kayo sa inyong mga bahay dahil napagod, nangakong magkikita bukas, ngunit ang bukas na iyon ay hindi na dumating sa eksaktong hugis na iniwan ninyo.

Ang mapait na katotohanan: isinusulat ng buhay ang mga huling kabanata gamit ang tinta ng mga karaniwang araw. Kung alam lang natin na iyon na pala ang huli, marahil ay napatitig tayo nang mas matagal. Marahil ay ninamnam natin ang tunog ng tawa, ang init ng balat, ang lasa ng hangin. Ngunit dahil walang paunawa, binitawan natin ang mga sandaling iyon nang may kapanatagan, na tila ba may bukas pa itong pagbabalikan.

Paano nga ba nagpapatuloy ang tao kung ang mga pinakamahahalagang pagtatapos ay nangyayari nang walang paalam? Nagpapatuloy tayo bilang mga bulag na kolektor ng mga alaala. Nabubuhay tayo sa isang patuloy na pakikipagsapalaran kung saan ang bawat ordinaryong sandali ay may potensyal na maging isang sagradong labi ng nakaraan. Ang kawalan ng paunawa ang dahilan kung bakit ang pag-alaala ay nagiging masakit—dahil napagtatanto lang natin ang tunay na halaga ng isang bagay kapag ito ay naging isang "noon" na. Ang trahedya ay hindi ang huli, kundi ang pag-alis nang walang pasasalamat. 

Marahil, ang tanging paraan para mabuhay sa ilalim ng banta ng mga patagong pagtatapos na ito ay ang pagtanggap na ang buhay ay isang serye ng mga hiram na sandali. Kung ang bawat bukas ay walang pangako, ang tanging panlaban natin sa trahedya ng kawalan ng paunawa ay ang mag-iwan ng kaunting bigat sa bawat hawak, sa bawat salita, at sa bawat sulyap.

Dahil sa dulo ng lahat, hindi natin malalaman kung aling gabi ang magiging huling pagkakataon na narinig natin ang isang pamilyar na boses, o kung aling hakbang ang huling beses na tayo ay naging tunay na bata. Nagpapatuloy tayo sa paglakad, bitbit ang takot na baka ang kasalukuyang sandali ay isa na namang huling beses na unti-unting naglalaho sa ating mga kamay habang tayo ay nakatitig sa kawalan.

J

Written by Jasmine Parohinog

Jasmine Parohinog is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Literary

MMelrose Kyrene Aquino

The Last Letter After the Downpour

I hope someone reminds you to bring an umbrella when the forecast is uncertain. I hope your laughter still arrives before you do. I hope there is a place in the world that feels enough like home for you to stay. And if happiness has found you before this letter ever could, then I hope it lingers. As for me, I have learned to live alongside ghosts that do not haunt, only accompany. Yours is the kind that sits quietly beside the window whenever it rains, saying nothing at all.

7 hours ago 4 min read
MMicas Losande

The Storm May Roar, Yet Leaves the Shore

‎I folded a paper boat from a torn page of my worn notebook. It was uneven, the corners were far from perfect, yet to me, it was the best ship I've ever built.

21 hours ago 3 min read
PPrincess Esther Kate G. Capacio

Ang Hardin sa Loob ng Tenga

Sa pagitan ng bingit ng katahimikan at ng unang kalabit ng gitara, may isang mundong biglang sumisibol nang hindi nakikita ng iba.

2 days ago 4 min read
Explore all Literary articles