“Hindi ako isinilang para maging resibo ng mga sakripisyo mo.”
Kay hirap sambitin, ’no? Parang may namumuong buhangin sa lalamunan sa bawat subo ng kaning pinaghirapan nila. Isang matapang na pagtataksil na nakasiksik sa pagitan ng mga pahina ng diploma. Pero ito ang katotohanang matagal nang nakahain sa ating hapag— ang pag-aarugang may listahan ng dapat bayaran, ang pagmamahal na tila isang pautang na may patong na interes bago pa man tayo matutong bumilang.
Ang bawat hininga ko ay ginawang gamot sa isang kahirapang hindi ko naman katha. Pinalaki tayong ang tagumpay ay hindi isang pakpak, kundi isang tanikala. Dapat “maipagmamalaki,” dapat “makakaahon.”
Ngunit sa gitna ng pagkayod, naitanong mo ba kung nasaan ka na? O baka naging anino ka na lang ng mga pangarap na ipinasa sa iyo dahil hindi nila kayang bitbitin noong sila ay bata pa? Ang pangarap ko ay naging sementeryo ng mga pangarap nilang hindi natupad— isang lupang pinaglibingan ng sarili kong nais upang tumubo ang kanilang mga inaasahan.
Ito ang nakakapanglaw na ikot ng ating dugo: nagsasakripisyo ang magulang para sa anak, para ang anak ay magsakripisyo rin para sa magulang. Isang mabilog na riles na walang dulo, walang istasyon, puro lamang pagtakbo. Hindi tayo lumilipad; tayo ay hinihila lamang ng mga tali ng utang na loob na kasing higpit ng bitay sa bawat hiling ng “salamat” at “paano naman kami?” Isinusuko natin ang ating bukas para tubusin ang kahapong hindi naman natin isinangla.
Nakakapagod maging bayani sa kuwentong hindi mo naman isinulat ang simula. Nakakapagod maging makinang sa mata ng madla habang unti-unting naglalaho ang sariling kulay sa loob ng balat. Ang bawat palakpak nila ay tila pako sa kabaong ng sarili kong pagkatao.
Ang tagumpay na hindi mo ninanais ay hindi tagumpay— isa itong magandang kulungan. At sa pagkakataong ito, mas pipiliin kong maging hamak na totoo kaysa maging perpektong anak na may kaluluwang unti-unting nabubulok sa loob ng mga naninigas na manggas ng aking Filipiniana.
Sabi nila, “para sa pamilya.” Pero ang tanong ko sa hangin: Hanggang kailan natin papatayin ang ating mga sarili para lang mabuhay ang pangarap ng iba? Hindi ako barya na ihuhulog sa alkansya ng inyong mga pangamba. Ako ay tao. At ang pagbawi sa aking sariling pagkakakilanlan ang tanging huling hiling bago tuluyang lamunin ng dilim ang aking pangalan.
Written by Jasmine Parohinog
Jasmine Parohinog is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



