Ang paliparan ang nagsisilbing unang istasyon sa pagkamit ng pangarap sa dayuhang bansa. Dito makasasaksi ng mga mahihigpit na yakap at luhang bunga ng nagbabadyang pangungulila. Mga kaway ng pamamaalam at mga sambitlang parehong may bahid ng tuwa at lungkot – magkasalungat na damdaming pinag-isa ng pagkakataong iyon.
Sa pagkakataong nakatuntong na sa loob ng eroplano, ito ang nagsisilbing hudyat ng pagtayo sa sariling mga paa. Walang mga magulang na mayayakap agad sa pagkakataong mabigat ang pagdadala ng buhay at walang mga kaibigang malalapitan nang agaran. Bago pa makatuntong sa sakayang iyon, lahat ng mga ito ay batid na ngunit mas piniling malayo sa kanila sa pag-asang mabigyan sila ng magandang pamumuhay. Isang plano na nangangailangan ng malaking sakripisyo.
Sa loob ng sasakyang iyon, naroon ang mga taong pangingibang-bansa rin ang tinahak na landas ngunit magkakaiba ng hangarin. May naghahangad ng karunungan, may nais lamang bumisita ng ibang bansa, at may mga tinatakasang suliranin. Magkakaibang hangaring pinag-isa ng paniniwalang may pag-asa sa bansang patutunguhan.
Noong ako ay bata pa, madalas ko ring pagmasdan ang mga eroplanong napadaan sa himpapawid. Ang nakabibingi nitong ingay ang aking batayan kung gaano kataas ang paglipad nito. Kapag malakas, mababa ang lipad nito at kapag mahina ay mataas ang lipad nito. Hindi ko rin kinalilimutang kumaway sa kanila sa pag-asang natanggap nila ang aking pangungumusta sabay banggit ng mga katagang “Balang-araw, makasasakay din ako ng eroplano” bago bumalik sa aking ginagawa. Ito ang marubdob na hangarin ng isang batang walang kamuang-muang.
Habang ako’y nagkaiisip, unti-unti akong namumulat sa mga suliranin ng ating bansa. Isa na rito ang korapsyon, suliraning pilit nilulunasan ng mga nakaupo ngunit maging sila ay naigugupo nito. Ang mga nangangarap na tulad kong naninirahan sa lupang tinubuan ay dismayado sa pamamalakad na ito ng mga may kapangyarihan. Siguro nga, sa dayuhang lupa ko makakamit ang aking pangarap na unti-unting kinikitil ng sariling bayan.
O Pilipinas, akin ka nang pinagdududahan. Sabi nila, sa lupang tinubuan matitikman ang kalingang di matatagpuan sa dayuhang lupa ngunit sa kasalukuyan mong lagay, tila sa dayuhang lupa ko matatamasa ang kalingang bigo mong ipalasap sa akin. Habang ang mga buwaya’y nagpapakasasa sa iyong yaman, ang mga tulad kong sa iyo’y umaasa ay nagdarahop. Patawad, sa iyo ako’y magkakasala dahil ang pangarap kong pangingibang-bansa ay di na lamang basta pangarap kundi isang desperadong desisyon, makatakas lamang sa nakasusulasok mong sistema.
Written by Justin Peralta
Justin Peralta is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



