Sa ngalan ng Ama, Anak, at ng Espiritu Santo:
Ubos na ang iniingatang pananampalataya
’Di dahil walang awa sa kaharian ng Ama
At tanglaw sa gabay ng Espiritu Santo
O ang pagpapala ng hinirang na Anak…
Bagkus wala nang tiyak na pabalat ang banal at legal na aklat
Sa talakaying kaluwalhatian ng inang bayan,
Wala nang langit, wala nang impyerno
Datapwa’t nagagawang tanikalain ng bersikulo
Ang takbo ng kuwento ng Kamara’t Senado
Sapagkat kung tutuusin, balani ito ng kaunlaran
Sa ngalan ng mga Santo, ito ang aking mga hinaing:
Kung sakaling may ikatlo nina Eba’t Adan,
Kukulamin agad ng mga Kura't alagad—gamit ang mga siping bibliya
Sa malaking espasyo ng silid-aklatan,
nagagawang bahiran ng dagim ang mga kurbadong bahaghari
Sa halip na tanggapin at patuluyin sa arko ni Noah
Salungat din ang mga sagrado sa sinapupunang ‘di na tahanan
Gayundin sa pasyang sumpain ang nakasasakal na belo’t singsing
Ni ang mga birhen ay walang pagkalinga gaya ni Maria
Dahil ‘pag ‘di pasok sa pamamaraan ng kanilang dasal,
Hindi ito tatanggapin ng Panginoong makapangyarihan
Iilan lamang ito sa sana’y kanlungang payapa
Bago kinain ng mga mambabatas ang ipinagbabawal na mansanas
Nasasanay rin ang mga katiwala ng bayan na gayahin ang bibig ng simbahan
Ginagayuma ang masa—para sa Poon at sa mga mamamayan.
Gayunpaman, may kadiliman nang taimtim na nananalangin
Oo, hinati man sa ikatong araw ang Pilipinas
At hinulma ang bawat kapuluan ng pagmamahal at patas,
Ngunit, bakit ito nagpapabagal sa ating pagsulong?
Nawawalan ng karapatan ang ibang anak ng Diyos,
At sanhi 'yon ng kapwa kapatid ni Hesus—tayo
Waring may namumukod-tangi sa kasulok-sulukan ng sansinukob
Nagmamasid, kasama ang ating mga ninuno’t bayani
Subalit, ang katuruan nito mismo
Ang nagpapahirap sa aking payak na pananalig
O, Diyos ko, nawa'y ibalik mo ako sa landas…
Amen.
Written by Joevannel Beltran
Joevannel Beltran is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



