Hawak ngayon ang isang makapal at lumang aklat. Langhap ang alikabok at lumang papel na humahalimuyak sa hangin habang hinahaplos ang pabalat nito, makikita ito sa likod na may taludtod na:
Dugo at luha ng kapwa ang sumulat sa unang kabanata,
Na ngayon ay muling nararanasan sa iba namang mukha;
Ang anino ng gulo noon ay anino pa rin ngayon,
Isang madilim na salamin ng nagdaang panahon at nasyon.
May lakas ang bawat kamay na isara ang aklat ng dusa,
May liwanag na bumubura sa anino ng bansa;
Isang blangkong espasyo ang naghihintay sa kapwa,
Dahil tayo ang pluma sa susunod na pahina.
Kabanata I: Ang Unang Pahina ng Dugo at Luha
Sa pagbuklat sa unang pahina, isang matapang na tanong ang sumasalubong sa ating mga mata: Alam mo ba na ang Pilipinas ang unang konstitusyonal na republika sa buong Asya? Isang prestihiyosong pagpapakilala, ngunit sa paglipat natin sa mga sumusunod na kabanata, mararamdaman natin ang bigat ng apatnapu’t walong taon ng pananahimik ng bansa—mula 1898 hanggang Hulyo 4, 1946—kung kailan hindi na rekognisa ang ating kalayaan.
Habang tinititigan ang bawat lumang pahina, tila naririnig natin ang mapait na hagulgol ng mga sanggol sa gitna ng matinding gutom, at ang huling daing ng mga matatandang nag-aagaw-buhay habang nilalamon ng abo at guho ang kanilang mga tahanan. Doon mapagtatanto kung paano isinulat ang ating simula: dumanak ang madilim na likido upang iguhit ang ating republika, at doon tayo unang naging bahagi ng isang mahabang salaysay.
Kabanata II: Ang Kasalukuyang Nilalathala
Ngayon, iwanan muna ang lumang libro at tumingin sa paligid. Narito na tayo sa modernong pahina ng kasalukuyan, kung saan ang sumasalubong sa atin ay ang ingay ng mga sasakyan, ang usok sa lansangan, at ang mga dambuhalang screen ng telebisyon ng mga bagong balita. Ngunit sa paglalakbay natin sa daigdig na ito, may isang mabigat na katotohanang sumasalamin sa ating mga mata: ang librong binasa natin ay hindi lamang tungkol sa nakaraan—ito ay salamin ng nakikita natin ngayon, at tayong mga Pilipino ang tinta ng mga anino.
Tayo ang buhay na repleksyon ng mga lumang kabanata; dala natin sa ating dugo ang bawat marka ng kahapon, kaya naman kung ano ang dusa noon ay tila paulit-ulit nating isinusulat ngayon. Wala na ang mga dayuhang sundalo, ngunit narito pa rin ang korapsyon na tahimik na nagnanakaw sa pawis ng mga manggagawang kasabay nating nag-aabang ng masasakyan, at ang biglaang balita ng pamamaril sa mga paaralan na nag-iiwan ng mga bakanteng upuan at mantsa ng dugo sa sahig ng silid-aralan. Magkaiba man ng siglo, ang lupit ng kahapon ay patuloy na sumasalamin sa ating mga kilos, na parang mga anino tayong sumasayaw sa parehong karahasan, pilit umaagaw sa mailap nating kapayapaan.
Kabanata III: Ang Blangkong Espasyo ng Bukas
Noong araw, ang karapatan natin mag-aral at magpahayag ay nakakulong sa rehas, ngunit hindi iyon naging sapat na pader upang pigilan ang ating lahi na matuto at umasenso. Ang mga pagsubok sa ating bintana ngayon ay nagpapakita na ang kwento ay hindi pa natatapos. Nasa isang yugto tayo na ang tinta ng ating pagkatao ay patuloy na naglalakbay upang lumampas sa mga lumang sugat ng kasaysayan.
Sa bawat pagsubok, doon unti-unting nakikita ang paggising ng diwa ng bawat Pilipino, na hindi na lamang simpleng anino sa dilim kundi mga buhay na saksi na may kakayahang baguhin ang daloy ng susunod na pahina. Sapagkat ang tunay na lakas ng republika ay hindi naman talaga natutulog sa marangyang luklukan ng iilan; ito ay tahimik na nag-aalab sa bawat isa sa atin—sa buong mamamayang dahan-dahang natututong humawak muli sa pluma upang dahan-dahan ding isara ang libro ng mga anino, at tuluyang isulat ang isang bago, maliwanag, at sarili nating tadhana.
Written by Angelica Manzo
Angelica Manzo is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



