Alas-singko y medya ng hapon—ang kalangitan ay unti-unting nagiging kahel, tila ba unti-unting nilulunod ng papalubog na araw ang liwanag ng maghapon. Sa loob ng paaralan, humahalo ang halakhak sa tunog ng mga paang iniyayabag ng mga mag-aaral pauwi, bitbit ang pagod at kuwento ng maghapon.
Tik-tok. Tik-tok. Sa patuloy na pagdaloy ng oras, may ilan na nag-aayang gumala o magpalipas ng sandali sa pamamagitan ng kasiyahan. Ngunit hindi lahat ay makakasama. Hindi dahil ayaw, kundi dahil may ibang direksiyong kailangang tahakin—may mga tahanang uuwian at may iba na makikipag-unahan sa takbo ng panahon.
Sa pagsapit ng unang araw ng Mayo, ipinagdiriwang ang Araw ng mga Manggagawa—pagpupugay sa mga kamay na walang sawang kumakayod para sa pamilya at para sa bayan. Ngunit sa likod ng paggunita, may isa na tahimik na nakikibahagi sa parehong pakikibaka: ang mga kabataang mag-aaral na maagang namulat sa bigat ng responsibilidad.
Working Students—iyan ang karaniwang tawag sa kanila. Mga mag-aaral na maagang sumabak sa mundo ng pagkakayod-kalabaw; mga kabataan na naghahanap ng salaping kikitain kahit na nakaharap pa rin sa papel at pisara.
Sa mata ng ilan, sila’y karaniwang mag-aaral lamang na humaharap sa pisara sa umaga. Ngunit sa likod ng kanilang katahimikan, dalawa ang mundong kanilang ginagalawan—ang silid-aralan at ang lugar ng paggawa.
May mga kabataang sumasabay sa agos ng bakasyon sa pamamagitan ng summer job—naglalayong makatulong sa magulang o makapag-ipon para sa eskuwela. Ngunit para sa iba, ang pagtatrabaho ay hindi pansamantala; ito ay araw-araw na pakikipaglaban sa oras.
Sa likod ng mga tindahan, sa loob ng mga fast food restaurants, sa mga opisina, at minsan sa kalsada—naroon sila, tahimik na humahabol sa salaping makatutulong sa susunod na araw. Ang bawat kita ay hindi luho kundi pangangailangan.
Sa likod ng counter, may isang mag-aaral na paulit-ulit na sumisilip sa orasan—alas-dyes na ng gabi, ngunit may pagsusulit pa siya kinabukasan.
Sa gitna ng kalsada, isang tinig ang bumabasag sa gabi—
“Balut! Balut! Penoy kayo riyan!”
Habang ang iba ay nagpapahinga, siya ay patuloy na naglalako—umaasang ang bawat mabebenta ay katumbas ng baon para sa kinaumagahan.
Sa kanilang mundo, hindi oras ang kulang—kundi ang pagkakataong huminto at huminga kahit sandali lamang. Sa bawat patak ng segundo, tila ba may humahabol sa kanila—aralin, trabaho, at pangarap na pilit pinagsasabay.
At sa pagsikat ng araw, habang humuhuni ang mga ibon at gumigising ang paligid, muli silang babalik sa paaralan— gagayak kahit kulang sa tulog, bibihis kahit mabigat ang katawan sa pagod. Sa loob ng silid-aralan, mababakas sa kanilang mga mata ang puyat ng magdamag—namumula, nangingitim, ngunit patuloy pa ring lumalaban.
Ganoon sila sa araw-araw—isang siklong paulit-ulit na tila walang hintong paghabol sa oras.
Maraming dahilan kung bakit may mga mag-aaral na pinipiling magtrabaho kahit nasa murang edad pa lamang—may mga iniwan ng magulang, kapos-palad, o nais lamang tumulong sa pamilya—anuman ang kanilang dahilan, iisa lang ang kanilang adhikain: humanap ng salapi para sa araw-araw.
Ang oras na dapat sana ay para sa pagpapahinga, napapalitan ng paghahanap ng pamasahe, baon, at kagamitan para sa pag-aaral kinabukasan.
Sa Araw ng mga Manggagawa, mariin silang nakalilimutan…ngunit sila ay kaisa…dahil kagaya ng iba, ang nais nila ay guminhawa. Nakikipag-unahan sa oras, nakikipagsapalaran sa agos ng buhay.
At sa gitna ng pagod at sakripisyo, nananatili ang isang tahimik na liwanag—ang pag-asang balang araw, ang bawat oras na kanilang ipinaglalaban ay magiging daan patungo sa mas maliwanag na kinabukasan. Hindi sila nahuhuli sa oras—mas maaga lamang silang sinasalubong ng responsibilidad.
Written by Cyrus James S. Pojas
Cyrus James S. Pojas is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



