Ilang beses man baguhin ang kurikulum at pamantayan sa edukasyon, mananatiling mababa ang kalidad ng pagkatuto kung hindi naman tinutugunan ang matagal nang kahinaan ng mismong sistema. Sa halip na ayusin ang kakulangan sa pasilidad, learning resources, at suporta sa mga guro, tila mas pinipili ng pamahalaan ang mga repormang madaling ihain ngunit hirap namang ipatupad nang epektibo.
Nitong buwan ng Marso, inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) ang buong implementasyon ng Strengthened Senior High School Curriculum para sa taong panuruan 2026–2027 matapos itong subukan sa ilang pilot schools noong nakaraang taon. Layunin nitong gawing mas organisado at mas handa ang mga mag-aaral para sa kolehiyo at trabaho. Gayunpaman, nananatiling bukas ang tanong kung tunay nga bang matutugunan ng bagong kurikulum ang napakatagal nang krisis sa kalidad ng edukasyon sa bansa.
Sa mga nakalipas na taon, paulit-ulit nang napapabalita ang paghina ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Ayon sa ulat ng The Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) noong Enero, patuloy na bumababa ang literacy at learning proficiency ng mga mag-aaral. Higit na nakababahala ang pagbaba sa 0.47% ng proficiency rate pagdating ng ika-12 baitang— isang malinaw na patunay na hindi simpleng pagbabago sa kurikulum ang kinakailangan, kundi seryosong pag-aayos sa pundasyon ng sistema ng edukasyon.
Hindi maikakailang malaking bahagi ng problema ang matagal nang kapabayaan sa mga pangunahing pangangailangan ng mga paaralan. Hanggang ngayon, marami pa ring pampublikong paaralan ang kulang sa silid-aralan, learning materials, at sapat na suportang pinansyal. Sa halip na tugunan ang mga kakulangang ito, patuloy na inililihis ang atensyon sa mga bagong reporma sa kurikulum— mga pagbabagong mahirap maging matagumpay kung kulang naman ang pundasyong susuporta rito.
Mistulang nagiging paulit-ulit na siklo na lamang ang mga reporma sa edukasyon: nagpapalit ng estruktura ngunit hindi tunay na nilulutas ang mga ugat ng problema. Sapagkat gaano man kaganda sa papel ang isang bagong kurikulum, mananatili itong limitado kung kulang ang mga paaralan sa pasilidad, kagamitan, at suportang kinakailangan upang maisakatuparan ito nang maayos. Sa huli, hindi simpleng pagbabago sa asignatura at estruktura sa pag-aaral ang kailangan ng edukasyon kundi isang sistemang may sapat na kakayahang suportahan ang pagkatuto.
Kung tunay na layunin ng pamahalaan na iangat ang kalidad ng edukasyon, higit na dapat pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas sa pundasyon ng sistema— kabilang ang sapat na pondo para sa mga paaralan, maayos na pasilidad, dagdag na learning resources, at mas makataong kondisyon para sa mga estudyante at guro. Sapagkat anumang reporma ay mananatiling limitado kung hindi naman natutugunan ang ugat ng suliraning matagal nang nagpapahina sa edukasyon.
Hangga’t nananatili ang kakulangan sa pundasyon ng sistema, anumang bagong kurikulum ang ipatupad ay mananatiling bagong mukha lamang ng isang sistemang matagal nang naghihingalo.
Written by Ma. Elijia Felicidad P. Valenzuela
Ma. Elijia Felicidad P. Valenzuela is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



