May mga araw na hindi kailangan magsalita ng tao para malaman mong mabigat ang dinadala nila.
Hindi sila maingay. Hindi sila humihingi ng awa. Madalas, makikita mo ang totoong sila sa kilos na hindi napapansin ng karamihan: sa matagal na pagtitig sa presyo ng bilihin, sa malalim na buntong-hininga bago dumukot sa bulsa, o mga taong sanay na sanay nang mag-isip kung paano pagkakasyahin ang kakarampot.
Dahil minsan, ang pinakamabigat na laban ay 'yung mga laban na araw-araw mong dinadala nang walang nakakapansin.
Sa mga sandaling ito, makikita mo kung gaano kasakit kahit na ang simpleng pagbayad. May mga taong mahigpit ang kapit sa barya bago bitawan— hindi dahil madamot sila, kundi marahil iyon nalang ang kanilang natitirang pera.
Makikita mo sila kahit saan. Sa tricycle, sa karinderya, o sa tindahan sa kanto.
Iyong matandang ilang segundo munang nakatitig sa baryang hawak bago iabot sa drayber. Iyong estudyanteng paulit-ulit binubuksan ang pitaka para siguraduhing may pamasahe pa. Iyong nanay na matagal pumili ng uulamin dahil hindi puwedeng sumobra ang presyo sa naitabing pera.
Walang sumasalo sa bigat na matagal na nilang kinikimkim.
Walang nagsasabing kapos sila; walang umaaming pagod na sila. Pero sa bawat galaw ng kanilang mga kamay, mababasa mo ang totoo— kung paano nila hawakan ang pera na tila ayaw pa itong pakawalan. At sa tuwing kailangang magbayad, parang may kasamang kapirasong ginhawa na tahimik na nababawasan sa kanila.
Sabi nga, hindi mo maiintindihan ang halaga ng iilang barya hangga’t may pera ka pa. May mga taong natutong maingat sa paggastos hindi dahil kuripot sila, kundi dahil alam nilang may mga gabing kailangang magkunwaring busog para may makain pa kinabukasan.
Para sa iba, barya lang 'yan. Pero para sa marami, 'yan ang manipis na linya sa pagitan ng may kakainin o wala. 'Yan ang baryang kulang para mabili ang gusto, pero sapat na para maitawid ang maghapon.
Nakakapagod sigurong mabuhay nang laging nagbibilang. Ng piso. Ng sukli. Ng natitirang pera hanggang katapusan.
May mga taong natutong ibaon na lang ang sariling kagustuhan para sa mas mahalagang pangangailangan. May mga batang maagang namulat sa hirap— ang mga tumatahimik na lang sa tindahan dahil nakita nilang napabuntong-hininga ang mga magulang.
Siguro ito na 'yung pinaka tahimik na klase ng hirap. 'Yung hindi mo na kailangang isigaw, kasi kitang-kita na sa kung paano mo higpitan ang hawak sa barya.
Kaya bago bitawan ang pera, humihigpit muna 'yung kapit nila. Hindi dahil madamot sila, kundi dahil sa mundong ito, "Ang maliit na barya ay buhay ang katumbas. Pagkat sa kumakalam na sikmura, ito lang ang tanging lunas."
Written by Jasmine Parohinog
Jasmine Parohinog is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



