Magdadala pa rin ng pag-ulan ang habagat sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon ngayong Huwebes, Hunyo 11, 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang mararanasan sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, at Babuyan Islands dahil sa southwest monsoon. Sa Batanes, frontal system naman ang magdadala ng parehong panahon.
Bahagyang maulap hanggang maulap na may tiyansa ng panandaliang pag-ulan o thunderstorm ang inaasahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa bunsod ng localized thunderstorms.
Hihina pa ang habagat sa mga susunod na araw, ayon kay PAGASA weather specialist Leanne Loreto.
“Mula Sabado hanggang Lunes, inaasahan na ang maaliwalas na panahon,” saad niya.
Sa long weekend ng Araw ng Kalayaan sa Hunyo 12, sa kanlurang bahagi na lamang ng Northern Luzon inaasahang makaaapekto ang habagat. Makararanas naman ng mas maaliwalas na panahon mula Sabado hanggang Lunes ang malaking bahagi ng bansa.
Gayunpaman, nagbabala ang PAGASA na posible pa rin ang biglaan at panandaliang pag-ulan sa silangang bahagi ng Southern Luzon, Visayas, at Mindanao.
Written by Paolo M. Baya-on
Paolo M. Baya-on is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



