Marami sa kabataang Pilipino ang lumalaki sa pagitan ng dalawang mundong tila magkasalungat—nananalig sa Diyos ngunit naghahanap din ng espasyong tatanggap sa kanilang tunay na pagkakakilanlan. Sa bansang tulad ng Pilipinas na malalim ang impluwensya ng kolonisasyong kastila, madalas na nagiging sentro ng pagtatalo ang tanong: kailangan bang mamili sa pagitan ng pananalampalataya at sarili?
Ang krus ay matagal nang simbolo ng pananalampalataya, debosyon, at mga paniniwalang nakaugat sa Kristiyanismo. Samantala, ang bahaghari ay naging sagisag ng pagkakakilanlan, pagtanggap, at pakikibaka ng LGBTQ+ community para sa pagkilala at pagkakapantay-pantay.
Ayon sa isang artikulo ng TIME Magazine, may mga LGBTQ+ individuals na nananatiling matatag ang pananampalataya sa Diyos sa kabila ng patuloy na pagtanggap ng diskriminasyon at panghuhusga mula sa iilang sektor ng relihiyon. Para sa ilan, mahirap pagtagpuin ang pananalampalataya at sekswalidad sapagkat nananatili ang paniniwalang “dalawa lamang” ang kasarian na nilalang ng Diyos at hindi umano tanggap nito ang sangkabaklaan.
May mga iilan pa rin na namumuhay sa walang humpay na pangungutya ng lipunan; sa halip na makatagpo ng kapanatagan sa pananampalataya habang nagpapakatotoo sa sarili, mas kinakain sila ng poot at pagdududa sa sariling halaga. Ito ang mas malaking suliranin: hindi ang pagiging “bakla”, kundi ang kulturang nagtutulak sa ilang tao na maramdamang hindi sila nararapat maging parte ng lipunan.
Kaya ang pananampalatayang walang habag ay walang tunay na diwa. Kung ang relihiyon ay nagsusulong ng radikal na pagmamahal, pag-unawa, at pagtanggap, bakit kailangang itaboy ang mga taong naghahanap lamang ng espasyong mamuhay nang totoo sa kanilang sarili?
Subalit hindi dapat manatili sa tunggalian ang usaping ito. Ang tunay na hamon sa lipunan ay kung paano magtataguyod ang pananampalatayang may malasakit at hindi nakasandig sa diskriminasyon. Sapagkat walang aral ng Diyos ang nagtuturo ng pagkapoot sa kapwa. Kung may isang bagay na dapat umiral sa gitna ng magkaibang paniniwala, iyon ay ang pag-respeto at pagkilala sa dignidad ng bawat tao.
Hindi mapagkakailang may pagkakaiba ng pananaw pagdating sa usapin ng kasarian at sekswalidad. Gayunpaman, hindi dapat maging dahilan ang pananalampalataya upang ipagkait sa isang tao ang dignidad at respeto. Maaaring magtagpo ang krus at bahaghari, hindi dahil magkapareho sila ng paniniwala, kundi dahil kahit tila magkasalungat ang dalawang ito, hindi pa rin mapagkakaila na lahat tayo ay tao na nararapat na makatanggap nang pantay ng pagtrato
Written by AGOS
AGOS is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



