Kung ang mga sundalo at kapulisan ay naghahanda ng kanilang mga baril bilang armas sa laban, kaming mga mamamahayag nama’y inihahanda ang aming mga sarili sa anumang maaaring sumunod.
At kung ang mga sundalo ay lumalaban gamit ang kanilang mga baril, kami namang mga mamamahayag ay lumalaban gamit ang aming mga salita—mga salitang nagsisilbing bala laban sa kasinungalingan at kalasag ng sambayanan laban sa dilim.
Maingay ang paligid, ngunit higit na maingay ang tibok ng aking puso dahil sa takot at pangamba. Kaliwa’t kanan ang mga tanong at ang nakakasilaw na flash ng mga kamera. May mga tumatakbo at nagtutulakan, halos maipit ang ilan, makakuha lamang ng sagot—mga sagot na sana’y totoo at hindi planado.
Muli akong humarap sa kamera at inayos ang aking sarili bago ngumiti nang masigla, tinatakpan ang takot at pangambang dumadaloy sa aking sistema.
Maayos kong naihatid ang mga balitang dapat malaman ng mamamayan, ngunit sa kalagitnaan nito ay biglang nagkaroon ng kaguluhan. Sunod-sunod na putok ng baril ang umalingawngaw. Lahat ng aking mga kasamahang mamamahayag ay natatarantang tumakbo, hindi upang tumakas, kundi upang humanap ng ligtas na lugar at ipagpatuloy ang pagbabalita.
Hindi ko maiwasang manginig sa takot. Gustuhin ko mang lisanin ang lugar, hindi ko magawa sapagkat alam kong may mga taong naghihintay na mailabas ang balita at maihayag ang katotohanan.
Ilang minutong natahimik ang paligid kaya’t minabuti kong ituloy muli ang aking pagbabalita. Muli kong itinutok ang mikropono sa aking mga labi, at sa bawat salitang aking binibigkas ay unti-unti kong ibinubuhos ang natitirang tapang sa aking dibdib.
Sa likod ng aking ngiti ay isang pusong wari’y gustong kumawala, ngunit sa harap ng kamera ay kailangan kong manatiling matatag, sapagkat ang katotohanan ay hindi maaaring manginig.
Bawat putok ng baril ay may katotohanang pilit pinatatahimik ngunit bilang mamamahayag, tungkulin kong bigyan ito ng tinig. Wala man akong baril o baluti, tangan ko naman ang mikropono at paninindigang hindi kayang pasukuin ng anumang panganib.
Sapagkat ang pagiging mamamahayag ay hindi lamang paghahatid ng balita. Ito ay pagsuong sa gitna ng kaguluhan upang maihatid ang katotohanan—isang katotohanan na maaaring sugatan, ngunit kailanma’y hindi mapapatay.
At kung sakaling ako man ay mamatay sa laban na ito, ang mahalaga ay mamamatay akong may paninindigan para sa bayan at sa mamamayang Pilipino.
Written by Adhrielle M. Lebitania
Adhrielle M. Lebitania is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



