Lumaki akong laging nakakarinig ng “Wow! Ang puti mo naman,” sa mga nakatatanda. Sa pagdaan ng panahon, mapagtatanto nating hindi lamang ito Isang simpleng papuri—sumasalamin din ito sa Isang pananaw na matagal nang nagiging dahilan upang maisantabi ang pagpapahalaga sa kayumangging balat ng maraming Pilipino.
Natural sa ating mga Pilipino ang kayumangging balat. Simbolo ito ng ating pagkakakilanlan, kultura, tradisyon, at pamumuhay. Ngunit sa kasalukuyan, ang kagandahan, kuwento, at identidad ng katangiang ito ay tila natabunan at nabaon na sa limot.
Madalas sa social media ngayon ang mga Western, Korean, at European beauty trends, at kung titignan, maraming Pinoy ang nakikiayon dito. Nagiging pamantayan ang mga banyagang katangian ng kagandahan sa maraming Pilipino. Kitang-kita ito sa patuloy na pagsikat ng mga produktong pampaputi at maging sa “whitewashing” o pag-edit ng mga litrato upang magmukhang mas maputi. Sa halip na yakapin ang sariling anyo, nasasanay tayong ituring na mas kanais-nais ang mga katangiang hindi naman likas sa atin.
Kasabay nito, marami ang nagpapahayag ng kahalagahan ng representasyon ng kung sino at ano tayo sa iba't ibang larangan. Ngunit sumasalungat naman dito ang mga standards na ating sinusunod. Sa industriya, entertainment, at maging sa social media, mas madalas pa ring tampok ang maputing balat at mga katangiang mas malapit sa banyagang pamantayan. Marahil ito ang dahilan kung bakit maraming kayumangging Pilipino ang nahihirapang makita ang kanilang sarili bilang larawan ng kagandahan.
Hindi rin maikakaila ang papel ng midya at ng industriya ng showbiz sa pagpapatibay ng ganitong pananaw. Sa mga patalastas, palabas, at maging sa lahat ng social media platforms, madalas na iniuugnay ang kaputian sa kagandahan, tagumpay, at pagiging kaaya-aya. Dahil dito, nagiging pamantayan ang isang anyo ng kagandahan habang ang iba, kabilang sa kayumangging balat, ay naiwan sa gilid ng usapan.
Hindi naman ito nangangahulugang masama ang suportahan at pahalagahan ang banyagang pamantayan sa kagandahan. Nagiging mitsa lamang ito kung nagreresulta na sa pagkalimot, pangmamaliit, o pagsasantabi ng sariling pagkakakilanlan. Hindi natin kailangang maging maputi upang maging maganda. Hindi natin kailangang magmukhang banyaga upang maging kaaya-aya sa paningin ng iba.
Bilang mga Pilipino, nararapat lamang na tayo mismo ang unang kumilala at magbigay-halaga sa ating sariling anyo. Sapagkat hangga't tayo ang unang nagsasantabi sa ating kulay, mananatili itong nasa anino ng mga pamantayang hindi naman tunay na sumasalamin sa atin.
Sa huli, ang kayumangging balat ay di kailanman naging kulang sa ganda—marahil tayo lang ang nagkulang sa pagpapahalaga rito.
Written by Elijia Palma Valenzuela
Elijia Palma Valenzuela is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



