sana may kumilala rin kay ate kung sa paanong paraan niya ako kinilala. sana may kayang mag bigay ng pagmamahal niya kung sa paanong paraan niya ako minahal. sana masukliaan na ang mga bagay na isinugal ni ate para sa amin.
si ate, bilang lang sa aking mga daliri kung ilang beses ko pa lamang siyang nakitang magalit. subalit, hindi ko naman maaring sabihin na may poot sa puso niya, kung pag-ibig naman ang pinagmulan. dahil hindi parehong bagay ang pag-ibig at poot. ngunit, maaring naging isa muna itong pag-ibig.
sa tuwing napapagalitan ako, andiyan si ate. pero sino ang andiyan para kay atesa mga oras na siya na ang nakikitaan ng pagkakamali?
kanino tatakbo si ate?
madalas na tahimik si ate. minsan nga ay halos hindi na ito lumalabas ng kuwarto niya. o kaya naman madadatnan ko na lamang siya na nagsusulat ng kung ano sa kuwaderno niya. hindi ko magawang kilalanin si ate sa isang upuan lamang; tila isa siyang estranghero na kilala ang buong pagkatao ko. isang dayuhan na kabisado ang kaniyang paroroonan.
maraming bagay ang nais kong itanong kay ate.
minsan ay sobrang corny ni ate. sa tuwing nakakabiruan ko siya, palagi kong kailangang magbaon ng paliwanag para sa mga biro ko upang maintindihan niya. at kapag siya naman ang magbibiro, hindi ko alam—bigla na lang niya akong mapapatawa hindi dahil maganda ang biro niya. corny si ate.
pero, masaya ang puso ko sa tuwing nakikitang tumatawa si ate. dahil alam ko sa mga oras na iyon, hindi niya kailangan maging “ate” para sa kahit kanino. hindi niya kailangang magtago.
hindi ko maintindihan si ate kung bakit sinabi niya na paboritong panahon niya ay ang ulan, kung saksi naman ako kung paano siya magmadaling umuwi sa tuwing bubuhos na ito.
hanggang sa unti-unti ko nang naintindihan kung bakit. sa tuwing bubuhos ang ulan, kasabay nito ang pagbuhos ng luha niya. sa kadahilanang hindi ito kapansin-pansin—sino ba ang mag-aakala na luha na niya iyon, at hindi na lamang patak ng ulan?
ang hirap intindihin ni ate. ang hirap kilalanin ni ate, lalo na sa mga oras na paulit-ulit siyang tumatakbo papalayo.
Written by Stargazer
Stargazer is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



