Sa bawat pagtaas ng presyo, dalawang beses na nasasadlak ang mga manggagawang Pilipino: sa patuloy na pagtaas ng gastusin at sa kakulangan ng sapat na tugon mula sa pamahalaan.
Sa pagdaraos ng Araw ng Manggagawa ngayong taon, bumoses ng kanilang hinaing ang mga trabahador mula sa sektor ng Business Process Outsourcing (BPO) kung saan kanilang isinusulong ang daily living wage na ₱1,200. Nararapat lamang na umaksyon ang gobyerno nang maitawid ng mga Pilipino ang kakapusang iniinda, ngunit mali kung ito lamang ang ituturing na pangunahing solusyon sa lumalalang krisis.
Hindi maikakaila na makatarungan ang panawagan para sa ₱1,200 na sahod. Sa kasalukuyan, nananatili sa humigit-kumulang ₱695 ang minimum wage sa Metro Manila—isang halagang malaki ang diperensya sa aktwal na pangangailangan ng isang pamilyang Pilipino. Sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan na kinikilala mismo ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang ganitong halaga ay mabilis ding mawawalan ng saysay. Kung ang presyo ng bilihin ang patuloy na tumataas, anumang dagdag-sahod ay agad ding kakainin ng parehong sistemang hindi naman inaayos. Dagdag pa, ayon sa IBON Foundation, umaabot sa ₱1,266 ang tinatayang daily cost of living para sa isang pamilyang may limang miyembro; ito ay halos doble ng kasalukuyang sahod. Hindi kataka-taka kung bakit patuloy ang panawagan para sa ₱1,200 minimum wage, at kung bakit isinusulong ito bilang pambansang panukala upang mabigyan ng disenteng pamumuhay ang mga manggagawa.
Dito lumilitaw ang mas malalim na suliranin: kahit itaas ang sahod, mabilis din itong nawawalan ng saysay dala ng mabilisang pagtaas ng mga presyo. Ayon sa mga pagsusuri ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong 2026, nananatiling mataas ang pressure ng inflation dulot ng mga pandaigdigang salik tulad ng pagtaas ng presyo ng langis at paghina ng piso laban sa dolyar. Kasabay nito, ipinakita rin sa mga ulat na ang volatility ng dolyar ay patuloy na nagpapahina sa pamumuhunan sa bansa, na nagreresulta sa limitadong job growth. Sa ganitong sitwasyon, ang dagdag na sahod ay tila nagiging pansamantalang ginhawa lamang. Ito ay nagsisilbing panakip-butas sa tumataas na halaga ng pamumuhay.
May mga tumututol sa malakihang wage increase; iginiit na maaari itong magdulot ng pagsasara ng maliliit na negosyo at pagkawala ng trabaho, lalo na’t karamihan sa mga negosyo sa bansa ay Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs) na may limitadong kapasidad. May bigat ang pangambang ito: kung walang sapat na suporta, maaaring mahirapan ang maliliit na negosyo na sumabay sa biglaang taas ng pasahod. Ngunit hindi dapat dito nagtatapos ang usapan. Sapagkat, hindi sahod ang ugat ng problema, kundi ang kakulangan ng sistemang sumusuporta sa parehong manggagawa at negosyante. Ang sahod ay hindi dapat ibinababa upang umayon sa kahinaan ng ekonomiya; sa halip, ang ekonomiya ang dapat itaas upang kayanin ang makatarungang sahod.
Hindi ang kawalan ng hakbang ang suliranin; bagkus, ito ay ang pagkakakulong natin sa mga hakbang na kulang. Kung ang buhay ay patuloy na tumataas ang halaga, ngunit ang tugon ay nananatiling mabagal at bitin, ang mga manggagawa ay laging hahabol sa isang hindi pantay na laban. At sa ganitong sistema, hindi maitatago na ang isang libong piso’y kulang pa—hindi dahil sa tao, kundi dahil sa sistemang pilit pinababayaan itong manatiling kulang.
Sa halip na umikot lamang sa pagtaas ng minimum wage, marahil mas mainam kung titingnan ito bilang bahagi ng mas malawak na hanay ng mga posibleng solusyon. Maaaring isaalang-alang ang mas maayos na pagpapatupad ng mga polisiyang magpapatatag sa presyo ng pangunahing bilihin upang hindi agad nabubura ng inflation ang anumang dagdag sa sahod. Maaari ring pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas ng lokal na agrikultura at produksyon bilang paraan upang mapababa ang gastusin at mabawasan ang pag-asa sa imported goods. Kasabay nito, maaaring pag-aralan ang mas nakatuong suporta sa maliliit na negosyo upang matulungan silang makaangkop sa pagtaas ng sahod nang hindi napipilitang magbawas ng trabaho. Sa mas pangmatagalang pananaw, mahalagang isulong ang paglikha ng mas maraming disenteng oportunidad sa trabaho, upang ang usapin ng sahod ay hindi lamang tungkol sa paghabol sa gastos, kundi sa pag-abot ng mas matatag na pamumuhay.
Written by Jushua Vetonio
Jushua Vetonio is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



