Sabi ni tatay, busog siya basta makita niya lang kaming busog.
Lumaki akong paulit-ulit ‘yang naririnig. Parang simpleng pangako na kahit kapos, kakayanin. Sa bawat pasada ng kaniyang dyip, bawat barya na iniipon sa palad, doon niya hinahanap ang sagot sa gutom, matrikula, at sa araw-araw na pangangailangan. Ilang taon na siyang namamasada— ulan man o tirik ang araw, tila kabisado na niya ang bawat lubak ng kalsada at bawat mukha ng pasaherong sumasakay.
Ngunit hindi na tulad ng dati ang byahe. Hindi na pareho ang kinikita. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, tila unti-unting kinakain ang kanyang kita—parang usok na naglalaho sa hangin. Ang dating sapat, ngayo’y kulang na kulang pa.
Pero si tatay hindi nabubusog, kailangan niyang tumigil kasi mas nakakakalam ng sikmura ang taas ng presyo ng mga bilihin lalo pa sa gas.
Dumarating sa puntong napapaisip siya—mamamasada pa ba siya o titigil na lang? Sa bawat ikot ng gulong, kasabay ang bigat ng desisyon. Dahil hindi lang siya drayber—isa siyang ama. May anak siyang kailangang pag-aralin, may pamilyang umaasa sa bawat pasada niya.
Hindi lang siya ang nahaharap sa ganitong krisis. Kamakailan, libo-libong tsuper ng dyip ang naglunsad ng transport strike sa buong bansa, humihiling ng mas mababang presyo ng krudo, dagdag-pasahe, at pagtaas ng sahod habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan. Pinangunahan ito ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston), kasabay ng nakaambang fare hike na kalauna’y sinuspinde rin. Sa kabila nito, nananatili ang panawagan ng mga tsuper na itaas ang minimum na pasahe mula ₱13 patungong ₱18 upang makasabay sa patuloy na pagmahal ng krudo.
Kapag hindi siya bumiyahe, walang kita. Kapag bumiyahe naman, halos wala ring maiuwi. Parang kahit anong piliin niya, may mawawala pa rin. Ang dating simpleng pagmamaneho ay naging isang mabigat na pagsusugal araw-araw.
Ganito ang tahimik na laban ng maraming tsuper ng dyip ngayon. Hindi lang sila nagmamaneho—bitbit nila ang responsibilidad, ang sakripisyo, at ang pangakong hindi pwedeng maputol. Sa likod ng bawat dyip na bumabaybay sa kalsada, may kwento ng pangungulila, pagod, at pag-asa.
Sana, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo, hindi sila ang tuluyang mapag-iwanan. Dahil ang mga tsuper ng dyip ay hindi lang bahagi ng lansangan—sila ang nagpapatuloy ng buhay ng marami. Panahon na marinig ang kanilang hinaing. Panahon na mabigyan sila ng sapat na suporta—mula sa makatarungang bawas sa buwis sa langis, hanggang sa mga programang tunay na makakatulong sa kanilang kabuhayan.
Dahil sa bawat “para po” ng pasahero, may isang amang umaasang makakauwi nang may dalang sapat. At sa bawat pag-andar ng makina, may pamilyang umaasang hindi siya titigil.
Busog sanang umuwi si tatay.
Sila ang patuloy na umaandar—kahit ang mundo sa paligid nila ay tila humihinto na.
Written by Hether Fhiona Caasi
Hether Fhiona Caasi is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



