Dati, may kubo pa sa bandang kaliwa ng hardin.
Dati, may duyan pang nakatali sa mga puno ng rambutan.
Dati, kami’y kumpleto pa.
Ang bahay na ito’y pinanday ng panahon, ngunit kada Abril ay aming inuuwian. Kung pwede lang manatili dito sa probinsya ng buong taon— magpakailanman.
Isa sa mga kasabik-sabik na gawain ng mga Pilipino tuwing bakasyon ay ang pag-uwi sa probinsya. Tinitiis ang trapik, kahit nakikipagsiksikan sa amoy ng pawis at ingay ng reklamo. Ang magdamag na yamot ay tila minuto lamang, kapag namataan ang kalyeng kinalakihan.
Bago kumatok, nakaabang na sina Tito at Tita, tulad ng dati’y pagsalubong ni Lola noong kami’y musmos pa lamang. Bagama’t nasa balikat pa ang mabigat na bag ay tila gumaan na ang pakiramdam— tila lahat ng bigat ng araw-araw na responsibilidad sa siyudad ay natakasan.
Para sa karamihan, nagkikita-kita ang extended family tuwing Mahal na Araw, Undas, Pasko at Bagong Taon. Ang mga pagkakataong ito ay masasabing isang iglap lamang, ngunit tuwing sabay-sabay kumakain ng mainit na pandesal sa umaga, mapapahiling kang bumagal ang paglubog ng araw.
Minsan, kahit hindi hacienda ang simpleng bahay, malaginto naman ang tawanan ng magpipinsan at kwentuhan ng matatanda kahit tanghaling tapat sa harap ng bintana. Sa probinsya, hindi kailangang engrande upang maramdaman mong mayaman ka— sapat na ang presensya ng mga taong matagal mong hindi nakasama.
Ang mga dating sanggol pa lamang ay marunong nang maglakad, habang ang makukulit na bata ay mahilig na ngayon sa telebisyon. Si Mama, nagsasampay ng mga damit habang kami ay nasasanay na hindi masulyapan ang mga daster ni Lola.
Pagsapit ng dapithapon, maaalala ko ang dating bahay. May kulambo sa kwarto, may poso sa liguan, may mangga sa likod ng bahay. At habang dahan-dahang lumilipas ang panahon, ang mga iyon ay napapalitan. Nagkaroon ng garahe, doble na ang bilang ng silid, at nalagyan ng tiles ang dating sementadong sahig. Malawak na ang lakarin, ngunit mas malawak pa rin ang espasyong iniwan ng mga nagpaalam na.
Ngayon, iba’t ibang litrato na ang nakakabit sa mga pader na bagong pintura. Naroon pa sa larawan si Lola. Wala pang puting buhok si Papa. Hindi pa kasal sina Ninong at Ninang. Ang bata ko pa noon para maunawaan na hindi habambuhay ang anyo ng probinsyang inuuwian.
Habang tumatagal, maraming pamilyang Pilipino ang nakapapansin kung paano nagbibihis ang ilang bahagi ng probinsya. May mga punong pinuputol, convenience store na tinatayo, at mga taong hindi na muli nagbukas ng gate sa tuwing kami’y umuuwi.
At kapag dumating ang gabi bago bumalik sa siyudad, sa gitna ng pag-iimpake ng mga gamit, sasagi sa isipan ang tanong:
“Ano na lang ang mananatili?“
Madaling-araw, tahimik ang biyahe pauwi. Nakasandal ang ulo sa malamig na bintana habang nawawala sa tanaw ang mga kalyeng ilang araw naming tinawag na tahanan muli.
Bukas, panibagong pasukan na naman. Panibagong ingay ng alarm clock, pagsusulit, at pagmamadali. Ngunit may parte ng sarili kong mananatili rito— sa probinsyang minsa’y hindi ko napansing unti-unti ring tumatanda.
Dito, ang init ng tag-araw ay parang mahigpit na yakap.
Dito, ang pagpupuyat, kung kasama naman ang pamilya, ay nasusulit.
Dito, tila nabubuo muli ang puso ko.
Ang tahanang pinanday ng panahon, ay tahanan pa rin namin.
Palagi, ang bahay ni Lola.
Written by Blythe Ellise Levantino
Blythe Ellise Levantino is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



