Sa papel ng kasaysayan, malinaw ang petsa: June 12, 1898—isang bansa na nagdeklara ng kanilang kasarinlan, isang watawat ang itinaas, at isang pangakong matagal nang hinintay na masilang. Higit isang siglo na ang lumipas, ngunit hindi kayang takpan ng mga selebrasyon tuwing Araw ng Kalayaan: tunay bang malaya ang isang bayan kung ang kalayaan ay hindi pantay sa nararanasan?
Ang kalayaan ay kadalasang ipinapakita bilang isang tapusan na kwento—parang pinto na binuksan at hindi na muling sinarhan. Pero sa araw-araw na karanasan ng maraming Pilipino, ang pintong iyon ay nananatiling bahagyang nakasara—may espasyo para sa pagtingin, ngunit hindi gaano pa kasapat para makapasok.
Bilang isang mamamayan ng bansang Pilipinas, may pagkakataong mapapaisip ka kung paano nga ba nasusukat kung tunay bang malaya ang bansa.
Bilang isang anak, may hinanakit din ako tuwing nakikita ko ang mga magulang na nagpapakapagod sa kanilang hanapbuhay na halos hindi maramdaman ang makukuhang sahod. Mag-uubos ng oras ang mga mamamayan para sa napakaliit na halaga ngunit mauuwi rin sila sa kulang-kulang na mga bilihin para mapagkasya sa kanilang kinikita.
Napapatunayan ito ng isang pag-aaral sa ilalim ng Department of Education (DepEd) na ang karaniwang pamilya sa Pilipinas ay kumikita lamang ng 26,000 PHP sa isang buwan—na hindi sapat para mapunan ang mga pangangailangan na tuluyan ding tinataas ng gobyerno ang mga presyo nito.
Kung obligado ang nakatayong gobyerno tungkol sa presyo ng bilihin, sana mapagtanto rin nila ang demanda ng mga Pilipino na tumaas ang sweldo ng mga empleyado—dahil ang una nilang obligasyon ay pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan.
Upang magdagdag sa pag-aaral na inilapag ng DepEd, nabanggit din ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang karaniwang gastos ng pamilya sa Pilipinas ay 258,000 PHP sa loob ng isang taon—na kung saan ipinapakita rito na 21,000 PHP ang kadalasang bayarin kada buwan.
Kung pagmamasdan natin ang mga numero at tsart na nakasaad, alanganin ang 26,000 PHP na sahod ng mga Pilipino para sa bilihin nilang kadalasang umaabot sa 21,000 PHP—paano natin masasabing malaya ang kalagayan nating mga Pilipino kung kinakailangan pa rin nating magbilang ng barya para sa mga pagkain na unti-unting nagiging ginto sa paningin ng mga tao?
Makikita ang resulta ng ganitong mga numero sa ilang research na isinagawa noong 2025 na nagsasabing 14% lang sa mga Pilipinong sumama sa survey ang nagsasabing sila’y komportable sa kalagayan nila sa aspeto ng pinansyal. Higit na nakababahala rito na unti-unti nang nagiging normal para sa marami ang mamuhay ng kapos sa halip na maituring na suliraning dapat tugunan ng gobyerno.
Kapag ang mamamayan ay nasanay nang makuntento sa pinakamaliit na kaya nilang makuha, hindi na lamang kabuhayan ang nalilimitahan kundi maging ang kanilang kakayahang ganap na maranasan ang kalayaan na dapat nilang tinatamasa.
Bilang isang kapwa-Pilipino, nakakagalit na tayo’y pilit na pinapabayaan pagdating sa mga usapang kalamidad at kahirapan. Patuloy na lumalala ang kondisyon ng bagyo sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas ngunit bihira ang kilos ng mas nakatataas upang makatulong sa mga napahamak at nasalanta.
Hindi na bago ang mga kalamidad sa bansa natin—ngunit bihira pa rin ang pagkilos ng gobyerno sa mga panahon ng pagbagyo, paglindol, at iba pa. Kahit simpleng landline lang na may mabilis na pag-aksyon o evacuation center para sa may nangangailangan ay nagiging pangarap lamang para sa karamihan. Kaya’t paano natin mararamdaman ang kalayaan kung patuloy pa rin tayong nangangamba sa tuwing panahon ng sakuna?
Napapansin mo ba? Sa mga araw-araw nating ginagawa ay makikita na kung talaga bang malaya ang kalagayan ng ating bansa.
At bilang isang estudyante, nakakalungkot na kinikilala ang ating bansa na malaya habang may mga batang nasasakripisyo ang oportunidad na makapag-aral dahil maaaring kinailangan nilang magtrabaho ng maaga para matulungan ang kalagayang pinansyal ng kanilang pamilya. At maaari din dahil may mga nakababatang henerasyon na nabibilang sa unang antas ng kahirapan—kung saan isinasaad ng PSA na tumaas ng mahigit 32% ang Level 1 Poverty sa buong bansa sa loob lamang ng dalawang taon.
Kung pilit nating iintindihin at bibilangin ang bawat paghihirap nating mga Pilipino, nagmumukhang palamuti na lamang ang pagkilala ng “kalayaan” sa ating mga mamamayang nagsasakripisyo para sa kapwa-Pilipino.
Kung ang bansang Pilipinas ay tunay na malaya, hindi na dapat ganito ang nararanasan ng mga mamamayan—sapagkat ang pinapangako ng kalayaan ay tunay na kaginhawaan, katarungan, at pantay na karapatan para sa lahat.
Sa ganitong punto, nagiging salamin ang Araw ng Kalayaan—hindi lamang ng tagumpay ng nakaraan, kundi ng mga tanong na patuloy na bumabalik sa kasalukuyan. Ano naman ang sasabihing kahulugan ng ating kalayaan kung hindi ito nararamdaman sa antas ng edukasyon, kabuhayan, at kaalaman? At higit sa lahat, sino ba ang tunay na nakikinabang sa pagkilala nito—ang mga mamamayan, o ang naratibong patuloy nating inuulit?
Ang mas mahalagang pagdiriwang ng kalayaan ay hindi lamang paglingon sa kung kailan ito ipinahayag, kundi ang pagharap sa kung paano ito isinasabuhay.
Sa dulo, ang kalayaan ay hindi lamang isang pamagat sa aklat ng kasaysayan—isa itong patuloy na pagsukat sa kung ang isang mamamayan ay tunay na nakatatayo nang walang hadlang. At hangga’t may mga estudyanteng hindi sapat ang nakukuhang edukasyon, manggagawang kapos ang kita, at mga mamamayang nalulunod sa paghihirap ng sitwasyon, madaya pa rin sa ngayon ang kanilang pagkilala sa pagkalaya ng mga tao.
Written by Yzabelle Dueñas
Yzabelle Dueñas is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



