Hindi ko kailanman naisip na darating sa puntong ang halaga ng isang mag-aaral ay halos nakatali na sa mga numerong nakatala sa kard. Kapag mataas ang marka, mahusay ang bata. Kapag nakatanggap ng akademikong pagkilala, ito ay kahanga-hanga. Ngunit kapag hindi umabot sa itinakdang pamantayan, madalas ay tila nababawasan ang pagkilala sa kanilang kakayahan. Dahil dito, hindi ko maiwasang maitanong: pagkatuto pa ba ang pinapahalagahan o mga numero na lamang?
Bagama't mahalaga ang marka upang masukat ang pag-unlad ng isang mag-aaral, hindi dapat ito batayan ng kaniyang kabuuang kakayahan. Sa kasalukuyan, mas marami nang mag-aaral ang nag-aaral hindi upang maunawaan ang aralin kundi upang makamit ang pinakamataas na marka.
Sa ganitong sistema ng edukasyon, hindi sapat ang matalino lamang pagdating sa akademiko sapagkat marami pang aspeto ang kailangang matutuhan ng isang mag-aaral upang maging handa sa anumang pagsubok na kanyang kakaharapin. Ngunit sa kabila ng pagkakaroon ng mga asignaturang nakatuon sa paghubog ng mga kasanayan sa buhay, tila natatabunan pa rin ang kanilang kahalagahan dahil sa labis na pagpapahalaga sa marka at parangal. Nagiging sukatan ng tagumpay ang mga numero sa halip na ang kakayahang mag-isip nang malalim, umangkop sa pagbabago, at gamitin ang natutuhan upang makapagbigay ng makabuluhang ambag sa lipunan.
Makikita rin ito sa kalagayan ng edukasyon sa bansa. Ayon sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2022, kabilang ang Pilipinas sa may pinakamababang marka sa malikhaing pag-iisip o creative thinking. Tanging 22% lamang ng mga mag-aaral na Pilipino ang nakamit ang batayang antas ng kahusayan sa bahaging ito, malayong-malayo sa karaniwang 78% ng mga bansang kabilang sa Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD). Ipinapakita nito na bagama't may kakayahan tayong magsaulo ng impormasyon at makakuha ng mataas na puntos sa ilang pagsusulit, marami pa ring mag-aaral ang nahihirapang lumikha ng mga ideya, magsuri ng sitwasyon, at magbigay ng mga solusyon sa mga suliranin.
Kaya balewala rin ang tunay na layunin ng pag-aaral dahil tila natatabunan ito ng matinding pagnanais na makakuha ng parangal.
Hindi dapat ganito ang edukasyon.
Ang paaralan ay hindi dapat maging pabrika ng matataas na marka kundi tahanan ng tunay na pagkatuto. Dito dapat natututong mag-isip nang kritikal, magtanong, magsuri, makipagtulungan, at magbigay solusyon sa mga suliranin.
Ayos sa United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO), ang de-kalidad na edukasyon ay hindi lamang sa pag-alala ng impormasyon kundi sa paglinang ng kakayahang pangkaisipan, panlipunan, at emosyonal na kailangan ng mag-aaral upang magtagumpay sa buhay. Binibigyang-diin din nito ang learner-centered approaches at makabuluhang pagkatuto.
Dagdag pa rito, ipinapaliwanag ng UNESCO na ang kritikal na pag-iisip ay mahalaga sa paglutas ng problema, pagdedesisyon, pagsusuri ng impormasyon at pagharap sa mga hamon sa totoong buhay.
Kung kaya't kapag ang layunin ng pag-aaral ay naging paghahabol na lamang ng mataas na marka, hindi mag-aaral ang hinuhubog nito kundi mga numerong naghahanap ng pagkilala.
Sa aking pananaw, ang tunay na tagumpay ng isang mag-aaral ay hindi nasusukat sa taas ng kanyang marka o sa dami ng parangal na natanggap—mas mahalaga kung gaano kalalim ang kanyang pag-unawa, kung paano niya ginagamit ang kanyang kaalaman, at kung paano nya ito naiaambag sa lipunan.
Written by Pearl Francene Aldovino
Pearl Francene Aldovino is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



