Paikot-ikot na Araw: Kwentong de Gulong ni Lola Lydia

Sumisikat ang araw sa silangan, pero para kay Lola Lydia, kumikilos ang araw tulad ng mga gulong sa kaniyang tricycle: patuloy na umiikot bilang isang siklo na may hangad na mapalapit sa kanyang destinasyon.

Q

Queencess Fabregas

Author

5 min readAugust 22, 2026
Paikot-ikot na Araw: Kwentong de Gulong ni Lola Lydia

Sumisikat ang araw sa silangan, pero para kay Lola Lydia, kumikilos ang araw tulad ng mga gulong sa kaniyang tricycle: patuloy na umiikot bilang isang siklo na may hangad na mapalapit sa kanyang destinasyon.

Sa tuwing naririnig ang salitang "tricycle driver", marahil ang sumasagi sa isip ng marami ay kalalakihan — mga haligi ng tahanan na may lakas at pwersa para ihatid ang kanilang pasahero tungo sa tulay ng kanilang pangarap. Ngunit sa gitna ng ingay, usok, at patak ng pawis sa Rosario, Cavite, binigyan ang 72 taong gulang na lola ng bagong kahulugan sa pagiging tricycle driver. Para kay Lola Lydia, ang pagiging tricycle driver ay isang pagsusugal: inaalay ang tumatanda na katawan upang mapaandar ang makina.

Hindi pa mulat ang araw ngunit gising na ang diwa ni Lola Lydia. Dala ang inaantok na mata at mga kamay na kulubot, mahigpit ang hawak niya sa manibela habang nakikipagbakbakan siya sa masikip na lansangan. Hatid-sundo niya ang iba't ibang mukha ng lipunan — mula sa mga nagmamadaling estudyante hanggang sa manggagawa na may halong puyat at pagod na nakatatak sa mukha. Sa edad na dapat nagpapahinga siya sa silya at inaalagaan ng pamilya, pinipili niya pa rin nakababad sa mainit na araw, nagbibilang ng barya upang may pantustos sa sariling pamumuhay.

Ngunit sa bawat patak ng barya patungo sa alkansya, marami din ang nawawala. Ganito ang takbo sa hanapbuhay ni Lola Lydia. Kagaya ng pag-ikot ng tricycle, umiikot ang isip ni Lola Lydia sa mga kaba at alinlangan kung makakatulong ba talaga ang kinita ng pera para maitaguyod ang pangangailangan. Iba man siya sa mga kalalakihan na tricycle drivers pero pareho lang din ang kanyang hangarin na magkaroon ng malaking kita.

Ilang oras sumusulyap sa kaliwa't kanan ng kalsada si Lola Lydia para makahanap ng pasahero, ngunit kahit marami siyang nakuhang pasahero, ang bawat ikot sa gulong ni Lola Lydia ay bumibigat. Hindi dahil may butas sa gulong o  sira ang makina. Bagkus, iniingatan niya ang bawat patak ng gasolina.

Si Lola Lydia ay isa sa mga tricycle drivers na naapekto mula sa alitan ng Gitnang Silangang Asya. Hindi man sila naging biktima sa armas at gulo, ngunit ang bawat bala na binato ng US at Iran ay nagdala ng sugat sa pandaigdigang supply ng langis. Napilitan isara ng Iran ang Strait of Hormuz — isa sa mga pangunahing daanan para sa langis ng buong mundo — noong Marso 2, 2026. Dahil dito, patuloy na lumolobo ang presyo ng gasolina hanggang ang salot ng digmaang libo-libong milya ang layo ay direktang nararamdaman ng mga tricycle drivers tulad ni Lola Lydia sa bawat liko ng kalsada.

Nakalipas na ang ilang buwan subalit patuloy na umaabot mula sa langit at araw ang presyo ng gasolina. Para kay Lola Lydia, ang bawat andar at preno ng tricycle ay katumbas ng perang ibabawas sa hapag-kainan tuwing dadaan sa gasolinahan. Sa gitna ng nagngangalit na inflation, ang dating sapat na kita ay nahihigop sa nagmamahalang presyo ng krudo. Ang kalye na dating kakampi ng mga drayber ay napuno ng hadlang na nagpapalayo sa mithiing maipagpahinga ang mga butong binalot sa kapaguran.

"₱540 ang full tank na gas. Ang laki ng tinaas nito," sabi ni Lola Lydia.

Ngunit sa hindi inaakalang pagkakataon, ang pag-ikot ng kanyang gulong ay nakuha ang pansin ng mundo. Ang isang video ay nag-viral mula sa iba't ibang plataporma nang binigyan ng pasahero ng tulong pinansyal para kay Lola Lydia. Ang perang natanggap ay hindi lamang barya; ito ay pansamantalang salbabida ni Lola Lydia upang mapunan ang tangke at makapagpahinga nang kaunti ang kanyang katawan.

"Sa mahal ng diesel at gas ngayon, saludo ako sa mga driver at rider na patuloy na lumalaban araw-araw para maitaguyod ang pamilya," ani ng pasahero.

Sa ilang segundo ng video, naipakita ang paglambot ng puso ni Lola Lydia nang makatanggap siya ng tulong sa isang estranghero kaya hindi na niya napigilang mapaluha sa ilalam ng matirik na araw. Taos-pusong nagpasalamat siya sa estranghero at nangako na babawi siya sa kanya.

Nadama ng netizens ang tiyaga at sakripisyo ni Lola Lydia mula sa video. Naudyok silang maghanap ng impormasyon tungkol kay Lola Lydia para makatulong sila kahit papaano.

“Wala tayong maasahan sa gobyerno kundi tayo-tayo nalang magtutulungan sa bawat isa. Sana may info kung saan pwede mag-send ng tulong para kay nanay,” ani ng isang netizen sa comment section.

Si Lola Lydia at ang kanyang tricycle ay sumasalamin sa katatagan ng mga manggagawa kahit mas marami pa ang rason upang sumuko. Isa siya sa milyong mukha na sumasabay sa sinag ng araw laban sa kadilimang binato ng pandaigdigang krisis.

Ngunit gaano man kalaki ang nakuhang pera ni Lola Lydia, patuloy pa rin nakadikit ang kanyang araw sa ikot ng mga gulong. Matatag man siya, pero hindi magkatulad ang matibay na diwa sa nagkakaedad na katawan.

Habang patuloy na umiikot ang kaniyang tricycle sa kalsada, palapit nang palapit din ang paghina ng kanyang pisikal na lakas. Isang mapait na katotohanan ang mahirap harapin: hangga't patuloy na ginugupit ng digmaan ang sweldong inuuwi ni Lola Lydia sa tahanan, mananatiling paikot-ikot pa rin ang kaniyang araw — hinahanap-hanap ang malayong destinasyon kung saan hindi na kailangan pumada si Lola Lydia upang ang pagsikat ng araw ay magdala ng pahinga at kapayapaan.

Q

Written by Queencess Fabregas

Queencess Fabregas is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

More in Features

CCyrus James S. Pojas

Sa Likod ng Orasan: Kabataang Hinahabol ang Dulo ng Walang Hanggan

Alas-singko y medya ng hapon—ang kalangitan ay unti-unting nagiging kahel, tila ba unti-unting nilulunod ng papalubog na araw ang liwanag ng maghapon. Sa loob ng paaralan, humahalo ang halakhak sa tunog ng mga paang iniyayabag ng mga mag-aaral pauwi, bitbit ang pagod at kuwento ng maghapon.

3 months ago• 3 min read
AAngelica Manzo

Ang Tinta ng mga Anino

Hawak ngayon ang isang makapal at lumang aklat. Langhap ang alikabok at lumang papel na humahalimuyak sa hangin habang hinahaplos ang pabalat nito, makikita ito sa likod na may taludtod na

3 months ago• 3 min read
DDave Lauren Gumarang

When Public Service Becomes a Prime-Time Circus

When governance becomes performance, ordinary Filipinos are left carrying the consequences of a system that increasingly values political drama over genuine public service.

3 months ago• 5 min read
Explore all Features articles