Sa bawat umagang sumisilip ang araw sa pagitan ng manipis na kurtina, may isang taong matagal nang gising. Tahimik siyang nagtitimpla ng kape, naghahain ng almusal, naghahanda ng mga uniporme, at inaayos ang maliliit na bagay na kadalasa’y hindi napapansin. Sinisiguro niyang walang pagkukulang sa tahanang siya ring ginawa niyang mundo.
Habang ang iba ay unti-unti pa lamang nagigising, may isang pusong matagal nang kumikilos upang tiyaking maayos ang araw ng bawat isa. Siya ang unang liwanag na sumasalubong sa bawat umaga—ang ina.
Ngunit hindi madaling maging ilaw ng tahanan. Sa likod ng kaniyang mga ngiti ay mga pangarap na kusang isinantabi, mga kagustuhang piniling ipagpaliban, at mga pagkakataong sarili muna ang huling inisip.
Habang tayo ang unang binibigyan ng kailangan, siya nama’y kuntentong magtiis sa kung anong mayroon. Habang tayo ang unti-unting lumalapit sa ating mga pangarap, siya nama’y tahimik na nananatili sa likuran—umaalalay, nagtutulak, at nagdarasal—tangan ang mga sakripisyong kailanma’y hindi isinumbat.
May mga bagay na hindi natin agad nakikita—mga simpleng luho na hindi na niya binili, mga pagod na piniling sarilinin, at mga alalahaning hindi na ibinahagi upang hindi tayo mabigatan. At kahit may mga araw na siya mismo ang napapagod, pinipili pa rin niyang tumayo.
At marahil, dito pinakanatatangi ang pagmamahal ng isang ina—hindi ito kailangang ipagsigawan upang maramdaman. Makikita ito sa baong maingat na inihanda, sa payong biglang iaabot kapag makulimlim ang langit, sa damit na nakatiklop pag-uwi mo, at sa kumot na tahimik na isinasaayos habang tayo’y mahimbing nang natutulog.
Maging sa simpleng, “Kumain ka na ba?” ay naroon ang pagmamahal na hindi kayang tumbasan ng kahit anong salita. Sapagkat may mga pag-ibig na hindi kailangang maging maingay upang maging totoo.
Kaya sa bawat medalya na ating naiuuwi, sa bawat pagsusulit na ating napapasa, at sa bawat pangarap na unti-unti nating natutupad, may isang pangalang laging nakaukit sa likod ng lahat—si Nanay. Ang bawat tagumpay na ating ipinagdiriwang ay may bakas ng kaniyang pagtitiis, pananalig, at pagmamahal.
Hindi sapat ang bulaklak, regalo, o simpleng pagbati upang tumbasan ang lahat ng kaniyang ibinigay. Ngunit marahil sapat nang simulan sa isang yakap, isang taos-pusong “Salamat, Ma,” at isang pangakong hindi masasayang ang lahat ng kaniyang pinagpaguran.
Sapagkat sa mundong maaaring magbago, manlamig, at magpaalam—ang puso ng isang ina ang nananatiling tahanang hindi kailanman nagsasara.
Written by Lyann Glee Deguidoy
Lyann Glee Deguidoy is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



