Isiniwalat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na nasa 1.3 milyong Grade 11 students ang may mababang kakayahan sa pag-unawa ng binabasa sa bansa, ayon sa Senior High School literacy assessment ng Department of Education (DepEd) noong Marso 2026.
Batay sa literacy assessment, tinatayang 1.3 milyon sa 1.4 milyong Grade 11 students sa buong bansa ang nahihirapang makaintindi ng kanilang binabasa.
“Only 12% of learners in the 11th grade level are independent learners or learners or readers that are fully able to comprehend and understand as expected from their Grade level what the outcomes or the information is supposed to be,” pahayag ni Simoun Antonio Salinas ng EDCOM II.
Dagdag pa rito, inilabas din sa datos na anim sa bawat sampung mag-aaral ang nasa “frustration level,” na itinuturing na pinakamababang literacy category dahil hirap silang makaintindi ng simpleng teksto.
Bukod dito, nasa tatlo sa sampung estudyante naman ang nasa “instructional level,” kung saan kinakailangan pa nila ng gabay mula sa mga guro upang maunawaan ang binabasa.
Ipinunto rin ng EDCOM II, nasa 40% ng mga estudyante sa iba’t ibang baitang ang patuloy na nakakaranas ng kahinaan sa pag-intindi ng kanilang binabasa.
Sinisi naman ng ACT Teachers Party-list ang problema sa sistema ng edukasyon na umano’y nagbibigay ng gantimpala sa mga paaralan para sa mass promotion.
“Well, 'yan talaga ang nagpapakita nung kabuuang failure ng K-12 program. Systemic yung problema,” ani ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio.
Sa kabila nito, tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na pagtutuunan ng DepEd ang pag-ensayo sa mga guro upang mas mapaunlad ang comprehension skills ng mga mag-aaral.
Written by Isaiah Adorza
Isaiah Adorza is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



