Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), hindi banta kundi katuwang ang Artificial Intelligence (AI) sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino at mga katutubong wika.
Sa Kapihang Wika noong Miyerkules, Hulyo 15, 2026, sinabi ni KWF Chairperson Marites Barrios-Taran na pwedeng gamitin ang AI para mas marinig pa ang Filipino at mga katutubong wika online.
“Matutulungan niyo kami kapag naglagay po kayo ng materyales doon para lumago ang corpus, 'yun po ang kukuhanin o mapi-pick up ng AI para maging mas marami ang source," panawagan ni Barrios-Taran.
Bahagi ang KWF sa Pinoy AI Project ng Department of Science and Technology (DOST). Nagsisilbi rito ang komisyon bilang isa sa mga pangunahing source ng language corpus o mga koleksiyon ng teksto na ginagamit upang turuan ang AI.
Inamin din ni Barrios-Taran na kulang pa rin ang datos sa Filipino at mga katutubong wika kumpara sa Ingles.
Bilang solusyon dito, target ng KWF na makapag-ambag ng humigit-kumulang 30 milyong tokens o 30 milyong piraso ng salita sa Filipino upang gawing mas natural ang pagsasalita ng AI sa naturang wika.
Written by Paolo M. Baya-on
Paolo M. Baya-on is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



