“We will not do that.”
Ito ang naging tugon ni Senador Rafael “Raffy” Tulfo sa kumakalat na paratang hinggil sa umano’y pananakot ng minority bloc sa Senado upang makahikayat ng dagdag na kaalyado.
Sa isang panayam sa GMA News, mariing itinanggi ng senador na may balak ang minorya na maglabas ng anumang pagbabanta laban sa mga kapwa-senador nito.
Kaugnay ito ng naging pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano tungkol sa umano’y plano ng minority bloc na muling balasahin ang pamunuan ng Senado.
Matatandaang ilang araw pa lamang ang nakalilipas nang magsagawa ng mosyon si Cayetano upang palitan si dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, kasabay ng pagbabakante sa lahat ng posisyong liderato sa Senado.
Sa hindi inaasahang pagkakataon, muling lumitaw si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kalagitnaan ng sesyon upang kumpletuhin ang 13 boto—hudyat ng pagtatagumpay ng mosyon.
Bilang tugon, ipinahayag ni Sotto ang kanyang paniniwala na posibleng may kaugnayan ang naganap na kudeta sa nalalapit na paglilitis sa mga reklamong isinampa laban kay Vice President Sara Duterte.
Kasunod nito, isinapubliko ng International Criminal Court (ICC) ang arrest warrant laban kay Dela Rosa matapos umano nitong ilantad ang kanyang lokasyon sa publiko.
Dahil dito, nagkaroon ng kontrobersiya at tensyon sa bulwagan ng Senado, na nauwi sa matagumpay na pagtakas ng senador mula sa kustodiya ng mga awtoridad.
Sa pagkawala ni Dela Rosa, bumaba sa 12 ang bilang ng majority bloc laban sa 11 senador ng minority bloc, matapos sumapi rito sina Senador Joseph Victor “JV” Ejercito at Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Sa gitna ng nagpapatuloy na paglilitis kay Duterte, patuloy pa rin ang espekulasyon hinggil sa umano’y panibagong balasahan sa liderato ng Senado.
Ayon sa mga analista, sakaling makahikayat pa ng dalawa pang senador ang minority bloc, malaki ang posibilidad na maipasa nito ang mosyon upang muling baguhin ang pamunuan ng Senado.
Sa kabila nito, tiniyak ni Tulfo na walang ginagawang pananakot ang minority bloc upang makahikayat ng dagdag na suporta mula sa kanilang mga kasamahan sa Senado.
Written by Seven Muñoz
Seven Muñoz is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



