TOKYO, Japan — Posibleng maging bagong tourism ambassador ng Pilipinas ang Nation’s Girl Group na BINI matapos ang matagumpay nilang pagtatanghal sa Coachella Valley Music and Arts Festival sa Indio, California.
Binubuo ang BINI nina Aiah Arceta, Colet Vergara, Maloi Ricalde, Gwen Apuli, Stacey Sevilleja, Mikha Lim, Jhoanna Robles, at Sheena Catacutan, patuloy na umaani ng pandaigdigang pagkilala dahil sa kanilang performances, hit songs, at mabilis na paglaki ng fanbase sa iba’t ibang bansa.
Sa panayam kay Department of Tourism (DOT) Secretary Dita Angara-Mathay habang nasa Japan kasama ni President Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr., para sa state visit, kinumpirma niyang nais ng DOT na kuning tourism ambassador ang grupo.
Ayon kay Angara-Mathay, naipaabot na umano sa BINI ang alok ng kagawaran ngunit hinihintay pa rin nila ang opisyal na tugon ng grupo.
Ipinahayag din ng kalihim ang kaniyang paghanga sa BINI matapos nitong dalhin ang bandila ng Pilipinas sa isa sa pinakamalalaking music festival sa mundo. Aniya, malaking ambag ang grupo sa pagpapakilala ng talento, kultura, at modernong imahe ng kabataang Pilipino sa international stage.
Matatandaang naging usap-usapan online ang performance ng BINI sa Coachella dahil sa kanilang enerhiya, stage presence, at crowd interaction, dahilan upang mas makilala pa ang P-pop sa global audience.
Samantala, inanunsyo rin ng DOT ang paglulunsad ng panibagong domestic tourism campaign ngayong Hunyo sa ilalim ng slogan na “Love the Philippines.” Ayon sa ahensya, makikipagtulungan sila sa ilang hotel at restaurant stakeholders upang makapagbigay ng discounted packages para sa mga balikbayan at lokal na turista.
Target din ng DOT na mapataas ang foreign tourist arrivals ngayong 2026, na inaasahang aabot sa 5.8 milyon, habang patuloy na lumalakas ang tourism industry ng Pilipinas.
Written by Jan Gabrielle Visda
Jan Gabrielle Visda is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



