Inaresto ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes, Hunyo 8, ang government contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II kaugnay ng kasong malversation ng pampublikong pondo na may kaugnayan sa isang umano’y anomalya sa flood control project sa Bulacan.
Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., inihain ng mga pulis ang warrant of arrest kay Discaya sa Senado kung saan siya nanatili.
Nananatili noon sa kustodiya ng Senado ang kontratista matapos siyang ma-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng pagdinig sa mga proyektong flood control.
“The arrest warrant was implemented in accordance with the law and established procedures in close coordination with the Senate to ensure an orderly, lawful, and transparent turnover process,” ani Nartatez sa isang pahayag.
(Ang warrant of arrest ay ipinatupad alinsunod sa batas at mga itinakdang proseso, sa pakikipag-ugnayan sa Senado upang matiyak ang maayos, legal, at malinaw na pagsasagawa ng turnover process.)
Dagdag pa niya, walang sinumang bibigyan ng espesyal na pagtrato, at lahat ng inaaresto ay sasailalim sa parehong pamantayan ng propesyonalismo at due process.
Nahaharap si Discaya sa kasong malversation ng pampublikong pondo sa pamamagitan ng pamemeke ng mga pampublikong dokumento, isang kasong walang kaakibat na piyansa.
Kaugnay ito ng isang ₱53.9-milyong proyekto para sa river dredging at flood control sa Calumpit, Bulacan na naging paksa ng kasong isinampa ng Office of the Ombudsman.
Batay sa imbestigasyon ng Ombudsman, nabayaran nang buo ang kompanyang St. Timothy Construction Corporation na pagmamay-ari ng kontratista kahit umano’y walang sapat na mga dokumentong sumusuporta sa pagpapalabas ng pondo at walang patunay na natapos ang nakatalagang dredging works.
Noong Biyernes, Hunyo 5, iniutos ng Regional Trial Court sa Bulacan ang pag-aresto kay Discaya, sa kanyang asawa na si Sarah Discaya, at siyam pang sangkot umano sa kaso. Siyam sa mga akusado ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad habang pinaghahanap pa ang natitirang dalawang suspek.
Matapos ang pagproseso ng kanyang pag-aresto, inilipat si Discaya sa Bulacan Provincial Jail habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kaso.
Written by Hannah Llano
Hannah Llano is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



