Inihahanda na ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng P50 kada kilo sa mga imported na bigas matapos ilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 118 nitong Miyerkules, na nagtatakda ng pansamantalang price ceiling upang mabawasan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pagkain dahil sa implasyon na dulot ng kaguluhan sa Middle East.
Sa ilalim ng EO 118, itinakda ang P50 kada kilo bilang pinakamataas na presyo ng limang porsyentong broken imported rice sa loob ng 30 araw upang matugunan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo, maiwasan ang pang-aabuso sa merkado, at matiyak ang sapat na suplay ng abot-kayang bigas habang pinananatili ang katatagan ng merkado.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., agad na ipatutupad ng DA ang kautusan sa oras na maging epektibo ito matapos mailathala sa Official Gazette o sa mga pahayagang may malawak na sirkulasyon.
“We will implement this immediately once it takes effect to help the general public cope with rising food costs,” ani Laurel Jr.
Binigyang-diin niya rin na may kapangyarihan ang DA sa ilalim ng Price Act at Anti-Agricultural Economic Sabotage law upang habulin ang mga hoarder, profiteer, cartel, at iba pang nagmamanipula sa merkado.
Ayon sa datos ng pamahalaan, mabilis na tumataas ang implasyon nitong mga nakaraang buwan. Mula sa 2.4 porsyento noong Pebrero, umakyat ito sa 4.1 porsyento noong Marso at lalo pang sumipa sa 7.2 porsyento noong Abril.
Mas ramdam naman umano ito sa pagkain, lalo na sa bigas, matapos tumaas sa 6.1 porsyento ang food inflation noong Abril mula sa 2.7 porsyento noong nakaraang buwan.
Dahil dito, iginiit ng DA na nanatiling pinaksensitibong bilihin sa bansa ang bigas, dahil sa direktang epekto nito sa araw-araw na gastusin ng mga mamamayan.
Patuloy namang binabantayan ng pamahalaan ang sitwasyon habang ipinapatupad ang price ceiling bilang bahagi ng mas malawak na hakbang upang mapatatag ang presyo ng pagkain at maprotektahan ang mga mamimili mula sa patuloy na pagtaas ng gastos sa pamumuhay.
Written by Isaiah Adorza
Isaiah Adorza is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



