Magkatuwang ang Department of Education (DepEd) at Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagmo-mobilisa ng nasa 240,000 benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program para sa Brigada Eskwela 2026 bilang paghahanda sa pagbubukas ng bagong school year.
Ayon kay DOLE Acting Secretary Francis Tolentino, ilulunsad ang malawakang deployment sa Hunyo 1, kung saan libo-libong trabaho ang mabubuksan sa buong bansa habang isinasagawa ang paghahanda sa mga paaralan.
Target ng programa na makatulong sa paglilinis, pag-aayos, at paghahanda ng mga silid-aralan at pasilidad bago ang pasukan, at maaari rin umanong magpatuloy ang ilang gawain habang nagsisimula na ang klase.
Nakalaan umano ang humigit-kumulang ₱2 bilyon para sa implementasyon ng TUPAD na gagamitin sa suporta ng Brigada Eskwela at iba pang school readiness activities para sa School Year 2026–2027.
Binibigyang-prayoridad sa programa ang mga magulang, kapatid, guardian, at iba pang kaanak ng mga estudyante na pasok sa TUPAD guidelines at validation process.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, hindi lamang ito tulong sa paghahanda ng mga paaralan kundi dagdag-kabuhayan din para sa mga pamilya.
Habang tumutulong sila sa pag-aayos ng mga classroom, nakakatanggap din sila ng kita na maaaring gamitin sa pang-araw-araw na gastusin gaya ng baon, gamit sa eskwela, at iba pang pangangailangan sa bahay.
Kabilang sa mga gawaing puwedeng salihan ng mga benepisyaryo ang paglilinis ng classrooms, waste management, paglipat ng mga gamit, landscaping, pagre-repaint, at iba pang non-technical na trabaho sa loob ng paaralan.
Uunahin sa deployment ang mga paaralang may mataas na pangangailangan tulad ng malalaki at mega schools, pati na rin ang mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs), mga underserved na komunidad, at mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.
Aabot sa hanggang 10 araw na trabaho ang maaaring ibigay sa mga TUPAD beneficiaries sa loob ng Brigada Eskwela preparation period, alinsunod sa umiiral na guidelines.
Ang mga school head ang magbabantay sa operasyon, katuwang ang DOLE na tututok naman sa pagpili ng beneficiaries, validation, at pamamahagi ng sahod at benepisyo.
Written by Jan Gabrielle Visda
Jan Gabrielle Visda is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



