Naglabas ng opisyal na pahayag ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay ng naiulat na insidente sa Senate Building kagabi, Mayo 13, 2026, kung saan hinikayat nila ang publiko na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon online.
Sa inilabas na joint statement ng DICT-CICC, sinabi ng ahensya na kanilang mahigpit na babantayan ang mga nilalaman sa social media at iba pang digital platforms upang maiwasan ang lalo pang paglala ng tensyon at pagkalat ng maling impormasyon kasunod ng kaguluhang naiulat sa Senado.
Ayon sa pahayag, magsasagawa ng “close monitoring” ang DICT at CICC sa mga post at content na maaaring mag-udyok ng karahasan o magdulot ng dagdag na takot at kalituhan sa publiko.
“Sa panahon ng tensyon at pangamba, walang puwang ang pagpapakalat ng fake news at mga hindi beripikadong impormasyon, mga edited videos at mga mapanlinlang na posts na magdadagdag ng kalituhan at takot sa publiko,” ayon sa pahayag.
Binigyang-diin din ng ahensya ang kahalagahan ng pagbabahagi lamang ng impormasyon mula sa mga lehitimo at opisyal na sources.
“Hinihikayat ang lahat na magbahagi lamang ng mga impormasyon mula sa lehitimo at opisyal na sources at suriin bago mag-post, comment o mag-share,” dagdag pa nito.
Kasabay nito, nagbabala rin ang DICT-CICC laban sa sinumang mapatutunayang nagpapakalat ng maling impormasyon online, na maaari umanong humarap sa kaukulang parusa alinsunod sa batas.
Sa gitna ng pangamba ng publiko, nanawagan naman ang ahensya na maging kalmado at maingat sa pagbabahagi ng impormasyon.
“Gaya ng sabi ng ating Pangulo, kalma lang po tayo,” saad sa pahayag.
Ayon pa sa DICT-CICC, prayoridad nilang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa cyberspace, lalo na para sa mga mamamayan at empleyadong naapektuhan ng insidente sa loob ng gusali ng Senado.
Written by Paolo M. Baya-on
Paolo M. Baya-on is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



