DOTr Sec. Lopez, sinuspinde ang operasyon ng General Santos airport; relief operations ng mga ahensya, ikinasado

Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pansamantalang pagsuspinde ng airport operations sa General Santos Airport noong Lunes, Hunyo 8, alas-2:00 ng hapon, habang naglabas naman ang CAAP ng Notice to Airmen (NOTAM) na epektibo mula alas-3:00 ng hapon ng naturang araw hanggang alas-8:00 ng gabi ng Hunyo 11.

D

Daryl

Author

5 min readJune 12, 2026
 DOTr Sec. Lopez, sinuspinde ang operasyon ng General Santos airport; relief operations ng mga ahensya, ikinasado

Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pansamantalang pagsuspinde ng airport operations sa General Santos Airport noong Lunes, Hunyo 8, alas-2:00 ng hapon, habang naglabas naman ang CAAP ng Notice to Airmen (NOTAM) na epektibo mula alas-3:00 ng hapon ng naturang araw hanggang alas-8:00 ng gabi ng Hunyo 11.

Layunin ng kautusan na bigyang-daan ang mga military aircraft gayundin ang mga government at humanitarian flights sa paliparan upang matiyak ang maayos na paghahatid ng relief supplies at ang mabilis na pagsasagawa ng response operations.

Isinagawa ang hakbang kasunod ng 7.8 magnitude na lindol na yumanig sa Southern Mindanao, na nagdulot ng pangangailangan para sa agarang pagdadala ng tulong at iba pang mahahalagang serbisyo sa mga apektadong komunidad.

Ayon sa DOTr, nakaalinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na tiyaking mabilis at tuluy-tuloy ang pagtugon ng mga ahensya ng pamahalaan sa mga pangangailangan ng mga naapektuhan ng lindol.

Sinabi ni Lopez na mananatiling bukas ang General Santos Airport para sa disaster response at relief efforts, kabilang ang mga empleyadong kasangkot sa relief operations at mga indibidwal na nais maghatid ng donasyon.

"Ang utos ng Pangulo ay dapat mabilis at tuluy-tuloy tayong makatugon sa pangangailangan ng mga kababayan nating apektado ng lindol. Kailangan maagap tayo sa pagresponde para agarang makatulong sa mga kababayan natin," saad ni Lopez.

Nagbigay rin ng direktiba ang kalihim sa CAAP na tiyakin ang integridad ng mga pasilidad at estruktura ng paliparan upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero at airport personnel. 

Binigyang-diin din niya na dapat ma-account ang lahat ng airport at CAAP personnel, kasabay ng pag-uutos na mabigyan ng kinakailangang tulong ang mga empleyadong naapektuhan ng lindol.

"Bukod sa dapat matiyak natin na hindi nagtamo ng matinding pinsala ang airport, ang concern natin dito ay ang kaligtasan ng ating mga pasahero at mga tauhan. Dapat matiyak din natin na maayos ang kalagayan ng ating mga kasamahan sa trabaho at ng kanilang pamilya," dagdag ni Lopez.

Ipinatupad ng CAAP ang temporary suspension sa airport operations habang patuloy nitong sinusuri ang air navigation facilities, kagamitan, at operational capabilities ng paliparan upang matiyak ang kaligtasan at maayos na operasyon nito.

Inatasan din ng ahensya ang mga airline na ipaalam sa kanilang mga pasahero ang kanselasyon ng 17 flights na apektado ng suspensyon ng operasyon sa paliparan.

Narito ang listahan ng mga apektadong flight:

Cebu Pacific

• 5J 4843 – Iloilo to General Santos

• 5J 4844 – General Santos to Iloilo

• 5J 998 – General Santos to Manila

• 5J 993 – Manila to General Santos

• 5J 994 – General Santos to Manila

• 5J 995 – Manila to General Santos

• 5J 996 – General Santos to Manila

• 5J 249 – Cebu to General Santos

• 5J 250 – General Santos to Cebu

• 5J 991 – Manila to General Santos

• 5J 992 – General Santos to Manila

PAL Express

• 2P 2357 – Cebu to General Santos

• 2P 2358 – General Santos to Cebu

• 2P 2455 – Manila to General Santos

• 2P 2456 – General Santos to Manila

Philippine Airlines 

• PR 453 – Manila to General Santos

• PR 454 – General Santos to Manila

Nagbigay rin ang DOTr Secretary ng direktiba para sa posibleng pag-deploy ng mga government assets para sa programang "Libreng Sakay" sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.

Samantala, inatasan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Davao at General Santos na mag-isyu ng special permits para sa mga bus na magsisilbi sa mga stranded na pasahero papunta at pabalik ng Davao at General Santos Airport, sa pakikipag-ugnayan sa mga airline.

Pinaigting din ng maritime sector ng DOTr ang mga hakbang sa kaligtasan at pagtugon kasunod ng tsunami warning na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Agad namang minobilisa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga tauhan at kagamitan nito upang tumulong sa mga komunidad na apektado ng tsunami warning at magsagawa ng kinakailangang evacuation operations.

Bilang tugon, nagbigay rin ng emergency assistance ang Coast Guard District Southeastern Mindanao (CGDSEM) sa mga estudyanteng naapektuhan ng lindol sa Sta. Cruz National High School sa Davao del Sur, kung saan ang mga mag-aaral na nagtamo ng minor injuries ay agad na dinala sa ospital upang mabigyan ng kaukulang lunas.

Nagpatupad ng "no sail policy" ang ilang Coast Guard districts, kabilang ang Coast Guard District Southeastern Mindanao, Coast Guard District Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Coast Guard District Southern Mindanao, at Coast Guard District Southwestern Mindanao. 

Mananatiling epektibo ang naturang no sail policy hanggang sa opisyal na pag-alis ng tsunami warning.

Nagbabala ang mga awtoridad sa publiko hinggil sa posibilidad ng mga aftershock matapos maitala ang halos 1,000 pagyanig noong Martes. 

Kasabay nito, nagpapatuloy ang relief operations at paghahanda ng mga kinauukulang ahensya para sa mga posibleng sakuna at pagbangon ng mga apektadong komunidad.

Pinayuhan naman ang mga pasaherong naapektuhan ng mga nakanselang biyahe dulot ng lindol na makipag-ugnayan sa kani-kanilang airline para sa mga update kaugnay ng kanilang flight status.

D

Written by Daryl

Daryl is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

AAshraf Indanan

PNP arrests ex-official Rafael Dumlao for Ick-joo homicide case

​A team from the Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (PNP CIDG-NCR) has arrested dismissed Police Lieutenant Colonel Rafael Dumlao, the convicted mastermind behind the 2016 kidnapping and killing of South Korean businessman Jee Ick-joo.

6 hours ago 2 min read
PPaolo M. Baya-on

Habagat, hihina; maaliwalas na weekend, aasahan

Magdadala pa rin ng pag-ulan ang habagat sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon ngayong Huwebes, Hunyo 11, 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

1 day ago 1 min read
VVjey Fabros

‘Simple, hindi magarbo’ – PBBM sa ikalimang SONA

MANILA, Philippines — Pinaghahandaan ng Malacañang Palace at House of Representatives ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026, na nais umano niyang gawing simple ngunit marangal.

1 day ago 1 min read
Explore all News articles