Mariing itinanggi ng award-winning Filipino broadcast journalist na si Kara David ang paratang na “bayaran” ang ilang miyembro ng media, kasabay ng pag-post niya sa social media ng pahayag na “Hindi kami bayaran” nitong Huwebes.
Umani ng malawak na reaksyon ang isyu matapos ang pahayag ni Senador Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan sinabi nito na may mga mamamahayag umanong tumatanggap ng bayad.
Sa isang opisyal na pahayag, kinondena ng Senate Media ang naturang pahayag, na tinawag nilang “iresponsable” at “padalus-dalos na pag-atake” laban sa isang institusyong itinuturing na mahalaga sa demokratikong lipunan.
Giit ng grupo, hindi makatarungang paratangan ang mga mamamahayag na patuloy na gumaganap ng tungkulin sa pagbabalita, pag-imbestiga, at pagpapanagot sa mga nasa kapangyarihan.
Binigyang-diin din ng Senate Media na ang mga ganitong akusasyon ay dapat sinusuportahan ng ebidensya, lalo na kung nagmumula sa mga opisyal ng pamahalaan, upang hindi masira ang tiwala ng publiko sa media at sa mga demokratikong institusyon.
Kasunod nito, nagpahayag ng magkakahiwalay na pagkondena ang National Press Club (NPC), National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), na pawang nanawagan ng respeto at proteksyon para sa mga mamamahayag.
Ayon sa mga organisasyon, dapat manatiling malaya ang pamamahayag mula sa pananakot, panggigipit, at walang batayang paratang, at hindi dapat ginagamit bilang kasangkapan sa mga tunggaliang pampulitika.
Matapos ang pagdinig, humingi ng paumanhin si Marcoleta at nilinaw na hindi niya nilalahat ang media at ang kanyang pahayag ay bunga ng matinding pagkadismaya.
Written by Jan Gabrielle Visda
Jan Gabrielle Visda is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



