Opisyal na binuksan ng Department of Education (DepEd) ang taong panuruan 2026-2027 nitong Lunes, kung saan muling nagbalik ang mga mag-aaral sa kanilang mga paaralan.
Inaasahan ng DepEd na mahigit 26 milyong mag-aaral mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa ang magpapatala ngayong taong panuruan.
Ayon sa mga opisyal ng DepEd, pinaghandaan ng mga paaralan ang muling pagbabalik ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagsasaayos ng mga silid-aralan, pagtatalaga ng mga guro, pamamahagi ng learning materials, at pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos at ligtas na pagbubukas ng klase.
Bahagi rin ng paghahanda ang pagpapatupad ng programang Oplan Balik Eskwela na naglalayong tugunan ang mga suliraning maaaring maranasan ng mga mag-aaral at magulang sa unang linggo ng pasukan.
Sa isang panayam ng One News, sinabi ni DepEd Undersecretary for Learning Systems Strand Carmela Oracion na nagsimula ang kanilang paghahanda sa taong panuruan 2026-2027 noong Marso, pagkatapos ng klase.
“Our schools, our teachers, principals and even our personnel in the central office are very used to this cycle of the school year… As soon as classes closed [in March], our colleagues in DepEd started thinking about how to make this coming year even better than the last. That’s why I can say that we have really prepared, are still preparing and are ready for the opening of classes this coming week,” ani Oracion.
(Ang ating mga paaralan, guro, punong-guro, at tauhan sa gitnang opisina ay sanay na sa ganitong ikot ng taong panuruan… Sa sandaling natapos ang klase [sa March], ang aming mga kasamahan sa DepEd ay nagsimula nang mag-isip kung paano gagawing mas mabuti ang paparating na taon. Dahil doon, masasabi ko na talagang naghanda kami, patuloy na naghahanda at handang-handa sa pagbubukas ng klase sa paparating na linggo.)
Pinatupad din ng DepEd ngayong taong panuruan ang bagong “three-term” school calendar kung saan inaasahan nitong mababawasan ang pagkagambala sa klase at naglalayong mapahusay ang paggamit ng oras ng pagtuturo sa buong taong panuruan upang mas mapabuti ang pagkatuto ng mga mag-aaral.
Written by Isaiah Adorza
Isaiah Adorza is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



