Manases Carpio, nagsampa ng kasong perjury laban kay Trillanes dahil sa ₱111-milyong bank account allegations

Humantong sa pormal na reklamo sa piskalya ang matinding banggaan nina Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, at dating Senador Antonio Trillanes IV matapos magsampa ng kasong perjury sa Office of the City Prosecutor sa Pasig City, kaugnay ng umano’y sinumpaang pahayag na nag-uugnay sa daan-milyong pisong bank accounts at alegasyon sa iligal na droga.

J

Jan Gabrielle Visda

Author

3 min readMay 22, 2026
 Manases Carpio, nagsampa ng kasong perjury laban kay Trillanes dahil sa ₱111-milyong bank account allegations

Humantong sa pormal na reklamo sa piskalya ang matinding banggaan nina Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, at dating Senador Antonio Trillanes IV matapos magsampa ng kasong perjury sa Office of the City Prosecutor sa Pasig City, kaugnay ng umano’y sinumpaang pahayag na nag-uugnay sa daan-milyong pisong bank accounts at alegasyon sa iligal na droga.

Sa reklamo, iginiit ni Carpio na ang mga pahayag ni Trillanes ay may “malisyosong intensyon” at layuning sirain ang kanyang pangalan at reputasyon, partikular ang paratang na may joint bank accounts silang mag-asawa na umabot sa ₱111,634,144.05 noong 2016, at diumano’y galing sa transaksyon ng mga indibidwal na sinasabing sangkot sa droga, kabilang ang isang “Sammy Uy.”

Ang naturang alegasyon ay nakapaloob sa 11-pahinang sinumpaang salaysay na inihain ni Trillanes noong Abril 22 sa House Committee on Justice sa gitna ng impeachment inquiry laban kay Sara Duterte-Carpio.

Mariing itinanggi ni Carpio ang lahat ng paratang, iginiit na wala siyang anumang bank account na aabot sa naturang halaga at wala rin siyang kaugnayan sa iligal na droga sa anumang anyo.

“To reiterate, I do not have P100 million in my bank accounts, I have vehemently denied before and again any involvement in any drugs in any way and form. I deny receiving any drug money or proceeds of drug transactions from any alleged drug personality,” pahayag ni Carpio sa kanyang sinumpaang salaysay.

Giit pa niya, ang mga akusasyon ay bahagi umano ng “black propaganda” na layuning dungisan ang pangalan ng kanilang pamilya sa gitna ng umiinit na usaping pampulitika.

Bilang depensa, isinangguni rin ni Carpio ang mga naunang imbestigasyon ng Senado at Ombudsman, kabilang ang 2017 Senate Blue Ribbon Committee report at 2018 fact-finding findings ng Ombudsman, na ayon sa kanya ay nagbasura sa kahalintulad na alegasyon dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Sa reklamo, iginiit ng kampo ni Carpio na maaaring managot si Trillanes sa perjury sa ilalim ng Article 183 ng Revised Penal Code dahil sa umano’y paggawa ng sinumpaang pahayag na may mali o mapanlinlang na impormasyon sa harap ng isang awtoridad.

Binigyang-diin din nila ang umiiral na jurisprudence ng Korte Suprema na nagsasabing maaaring managot sa perjury ang isang indibidwal kung ang sinumpaang pahayag ay nakabatay lamang sa hearsay at walang dokumentaryong patunay, ngunit ipinapakita bilang katotohanan sa isang pormal na pagdinig.

Ayon pa sa kampo ni Carpio, walang naipakitang konkretong ebidensya si Trillanes hinggil sa umano’y mga bank accounts o pinagmulan ng naturang pondo, at nananatiling alegasyon lamang ang lahat ng paratang.

Sa huling bahagi ng reklamo, inilarawan ni Carpio ang mga pahayag bilang “political malice, evident bad faith, at intensyong sirain ang kanilang pamilya,” na nagbunsod sa pagsasampa ng kasong kriminal.

Ang reklamo ay isinampa sa Pasig City kung saan unang isinagawa ang notarization ng sinumpaang salaysay, na nagbibigay sa lokal na piskalya ng hurisdiksyon upang suriin ang kaso bago magpasya kung may sapat na batayan para sa pagsasampa ng pormal na kaso sa hukuman.

J

Written by Jan Gabrielle Visda

Jan Gabrielle Visda is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

PPaolo M. Baya-on

KWF: Hindi banta ang AI sa wikang Filipino

Ayon sa Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), hindi banta kundi katuwang ang Artificial Intelligence (AI) sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino at mga katutubong wika.

23 hours ago 1 min read
PPaolo M. Baya-on

Kaso laban Google, isinampa ng mga publisher

Isang grupo ng mga publisher at may-akda ang nagsampa ng kaso laban sa Google matapos umanong gamitin ng kompanya ang milyun-milyong akdang may copyright sa pagsasanay ng Artificial Intelligence (AI) model nitong “Gemini” nang walang pahintulot.

23 hours ago 2 min read
JJohn Andrei Domingo

OVP: VP Duterte Addresses Key issues during a visit to The Hague

On July 27, 2026, after the visit of Vice President Sara Z. Duterte to her father, Former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), in The Hague, Netherlands, addressed certain issues raised during a post-visit interview by bystanders. She assured the public that the former president is in good condition and stated that she keeps him updated on the state of politics in the Philippines.

3 days ago 2 min read
Explore all News articles