Marcos, tinutulan ang online voting sa Senado; “It seems to only be applicable to Senator Bato”

Nagpahayag ng matinding pagtutol si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa panukalang amyendahan ang mga tuntunin ng Senado upang payagan ang online participation at remote voting ng mga senador sa pamamagitan ng teleconferencing.

J

Jan Gabrielle Visda

Author

3 min readJune 2, 2026
Marcos, tinutulan ang online voting sa Senado; “It seems to only be applicable to Senator Bato”

Nagpahayag ng matinding pagtutol si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa panukalang amyendahan ang mga tuntunin ng Senado upang payagan ang online participation at remote voting ng mga senador sa pamamagitan ng teleconferencing.

Sa naging pahayag ng Pangulo nitong Biyernes habang nasa state visit sa Tokyo, Japan, sinabi niyang hindi niya sinasang-ayunan ang paggamit ng remote voting, lalo na kung gagamitin ito upang makalahok sa sesyon ang isang senador na may kinahaharap na legal na usapin.

Ayon kay Marcos, tila si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa lamang umano ang direktang makikinabang sa naturang panukala.

“It seems to only be applicable to Senator Bato para makaboto si Senator Bato dahil nagtatago siya,” ani Marcos.

Dagdag pa ng Pangulo, dati lamang ginagamit ang remote participation noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic dahil sa banta sa kalusugan, ngunit wala umano siyang nakikitang sapat na dahilan upang ipagpatuloy ito sa kasalukuyan.

Kasabay nito, sinabi rin ni Marcos na hindi niya maintindihan kung bakit nauwi umano sa sitwasyong tila pinoprotektahan ng Senado ang isang “fugitive from justice.”

“The Senate is now sheltering a fugitive from justice. How did that happen?” pahayag ng Pangulo.

Ang mga pahayag ni Marcos ay kaugnay ng usapin hinggil kay Dela Rosa, na nahaharap sa umano’y arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) dahil sa crimes against humanity charges na konektado sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunman, iginiit ng kampo ni Dela Rosa na hindi maaaring ituring na “fugitive” ang senador dahil wala umanong warrant of arrest mula sa korte sa Pilipinas. Samantala, ibinasura na ng Supreme Court ang petisyon ni Dela Rosa para sa Temporary Restraining Order (TRO) laban sa implementasyon ng ICC warrant.

Ayon pa kay Marcos, hindi dapat pahintulutang bumoto ang isang indibidwal na hinahanap ng mga awtoridad at may kinahaharap na warrant.

“Now, for someone who is actually a fugitive from justice na hinahanap ng pulis, na hinahanap ng Interpol at may arrest warrant galing sa ICC, palagay ko hindi siya dapat bumoto,” dagdag niya.

Ang panukalang payagan ang online voting sa Senado ay unang inihain ni Senador Rodante Marcoleta noong Mayo 11, sa parehong araw na muling nagpakita si Dela Rosa sa plenaryo matapos ang halos anim na buwang pagkawala sa publiko.

Kalaunan ay iniulat ding umalis na si Dela Rosa sa protective custody ng Senado.

Binigyang-diin din ni Marcos, na nagsilbing senador mula 2010 hanggang 2016, na matagal nang tradisyon sa Senado ang pisikal na pagdalo ng isang miyembro bago mabilang ang kaniyang boto sa plenaryo.

Bukod dito, binanggit din ng Pangulo ang umano’y mga kaguluhan at kalituhan sa loob ng Senado nitong mga nakaraang araw, kabilang ang napaulat na insidente ng putukan na kalaunan ay sinabing hindi naman totoo.

“Narating pa tayo sa putukan, tapos fake pala yung putukan, tapos hindi ko maintindihan. Walang nangyayaring kagaya niyan noong panahon ko sa Senado,” ani Marcos.

Ang mga pahayag ni Marcos ay nagmula sa kaniyang press briefing kasama ang Philippine media delegation sa Tokyo, Japan, habang patuloy ang diskusyon sa Senado hinggil sa remote participation at online voting. 

Patuloy namang umiinit ang talakayan sa Senado hinggil sa attendance rules, remote participation, at parliamentary procedures habang lumalalim ang usapin ukol sa accountability at partisipasyon ng mga senador sa mga sesyon ng kapulungan.

J

Written by Jan Gabrielle Visda

Jan Gabrielle Visda is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.

AAshraf Indanan

PNP arrests ex-official Rafael Dumlao for Ick-joo homicide case

​A team from the Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (PNP CIDG-NCR) has arrested dismissed Police Lieutenant Colonel Rafael Dumlao, the convicted mastermind behind the 2016 kidnapping and killing of South Korean businessman Jee Ick-joo.

6 hours ago 2 min read
PPaolo M. Baya-on

Habagat, hihina; maaliwalas na weekend, aasahan

Magdadala pa rin ng pag-ulan ang habagat sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon ngayong Huwebes, Hunyo 11, 2026, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

1 day ago 1 min read
VVjey Fabros

‘Simple, hindi magarbo’ – PBBM sa ikalimang SONA

MANILA, Philippines — Pinaghahandaan ng Malacañang Palace at House of Representatives ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026, na nais umano niyang gawing simple ngunit marangal.

1 day ago 1 min read
Explore all News articles