Namataan ang isang ‘meteor fireball’ malapit sa bulkang mayon habang nagpapatuloy ang pag-aalburuto nito noong Lunes, Mayo 25, bandang alas-10:33 ng gabi.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), nakuhanan ng Ligñon Hill IP Camera ang pangyayari kung saan makikitang dumaan ang maliwanag na meteor sa likod ng bulkan habang nagbubuga ito ng pyroclastic materials.
Sa mga unang lumabas na kuha online, mistulang tumama ang meteor sa northern slopes ng Bulkang Mayon. Gayunpaman, nilinaw kalaunan ng PHIVOLCS na nag-disintegrate o nasunog lamang ito sa himpapawid bago pa man umabot sa bulkan, batay sa isinagawang pagsusuri gamit ang seismic, infrasound, at video data.
Kilala ang Bulkang Mayon sa halos perpekto nitong cone shape at itinuturing na isa sa pinakaaktibong bulkan sa bansa.
Patuloy namang nakararanas ng volcanic activity ang Bulkang Mayon nitong mga nakaraang buwan, kabilang ang pagdaloy ng lava, pagbuga ng abo, at pagguho ng mga bato mula sa bunganga nito. Nitong Mayo, pansamantala ring inilikas ang ilang residente sa mga apektadong lugar matapos makaranas ng mas matinding ash emission ang bulkan.
Nananatili namang nasa Alert Level 3 ang bulkan, dahilan upang mahigpit na ipinagbawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng pyroclastic density currents o “uson,” lava flow, at biglang explosive activity.
Written by Hannah Llano
Hannah Llano is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



