BALANGA CITY, Bataan — Pinatututukan ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng mas mahihigpit na pagsusuri sa mga paliparan at daungan ng bansa, bilang pagtugon sa nagbabantang paglaganap ng Hantavirus.
Bilang bahagi ng naturang implementasyon, kinakailangang sumailalim ang mga pasahero sa pangkalusugang pagsusuri gamit ang aplikasyong eGovPH bago pa man makapasok sa Pilipinas.
Sa nabanggit na aplikasyon, ipinalalantad nito ang mga impormasyon kabilang ang mga pinatunguhang bansa at lugar ng pasahero upang mataya kung walang banta ang pagbabalik nito sa bansa.
Kaugnay nito, nakahandang sumalubong ang Bureau of Quarantine (BOQ) sa mga pasaherong galing ibang bansa upang suriin ang kanilang kalagayan sa pamamagitan ng infrared thermal scanners.
Sakali mang mapatotohanang mayroong malalang sintomas ang indibidwal, agaran itong ipadadala sa mga pasilidad at ospital, kabilang ang Research Institute for Tropical Medicine para sa mas masusing pagtataya.
Kasunod ng isinasagawang pagpapaigting ng DOH, tinugunan din nito ang kaso ng 38 Pilipino na sakay ng barkong hinihinalang may koneksyon sa pagkalat ng Hantavirus: “Ang 38 Filipino crew mula sa nasabing cruise ship ay kukumpletuhin ang anim na linggong quarantine sa Netherlands.”
Sa paglalayong hadlangan ang pagkalat ng sakuna sa bansa, tiniyak ng DOH sa publiko ang aktibong pakikipag-ugnayan nito sa kasalukuyan sa World Health Organization (WHO) at iba’t ibang institusyong pangkalusugan.
Written by Seven Muñoz
Seven Muñoz is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



