MAYNILA, Pilipinas — Nakatakdang muling harangin ng mga senador sa minorya ang panukalang pagpapahintulot sa online attendance at pagboto ng mga senador sa pagbabalik na sesyon sa Lunes, Hunyo 1, kung ipipilit ito ng mayorya sa plenaryo.
Ayon kay Senador Panfilo “Ping” Lacson, handa ang minorya na ulitin ang kanilang ‘walkout’ noong Martes, Mayo 26, upang pigilan ang pag-apruba ng panukalang magpapalawak sa paggamit ng remote participation sa Senado.
“They cannot force the adoption of the resolution on the floor if there is no quorum. We will do the exact same thing, leaving the minority leader behind, a repeat of what happened last Tuesday,” ani Lacson.
("Hindi nila maaaring pilitin ang pagpapatibay ng resolusyon sa harap ng mga miyembro ng plenaryo kung walang quorum. Gagawin namin ang eksaktong parehong bagay, iiwan ang pinuno ng minorya, katulad ng nangyari noong nakaraang Martes”)
Bukod sa posibilidad ng panibagong walkout, sinabi rin ni Lacson na nakahanda silang makilahok sa mahahabang debate, maghain ng mga amyenda, at magsagawa ng interpellation upang kuwestyunin ang panukala.
“We’ll keep debating, asking questions, interpellating, and introducing amendments if it comes to that. If they disregard Section 24 and insist on Section 136 of the Rules of the Senate and divide the house and we lose the voting, so be it,” aniya.
("Patuloy kaming magdedebate, magtatanong, mag-interpellate, at magpapakilala ng mga amyenda patungkol diyan. Kung babalewalain nila ang Seksyon 24 at igigiit ang Seksyon 136 ng mga Panuntunan ng Senado at hahatiin ang kapulungan at matatalo tayo sa botohan, hayaan na natin”)
Iginiit naman ni Senador Erwin Tulfo na dadalo ang minority bloc sa sesyon sa Lunes sa kabila ng kanilang pagtutol sa panukala, dahil naniniwala sila na mahalagang ipaglaban ang kanilang posisyon sa usapin.
“Lugi naman ho ang taong-bayan kung sasadyain namin for whatever reason na hindi kami a-attend [sa Lunes]... Kailangan naming pumasok because we know it’s another fight, it’s another battle,” pahayag ni Tulfo sa isang panayam sa DZMM.
Dagdag pa niya, mananatili silang matatag sa kanilang paninindigan laban sa online voting dahil taliwas umano ito sa umiiral na mga tuntunin sa Senado.
Sa ilalim ng kasalukuyang Rules of the Senate, pinapayagan lamang ang online attendance at pagboto kapag may ‘force majeure’ o pambansang emerhensiyang pumipigil sa pisikal na pagdalo ng mga senador sa sesyon.
Dahil dito, tinutulan ni Senador Risa Hontiveros ang argumentong binitiwan ni Senador Robin Padilla na maaaring ituring na force majeure ang mga pandaigdigang krisis tulad ng digmaan sa Gitnang Silangan, tensyon sa pagitan ng China at Taiwan, at mga banta ng matitinding kalamidad dulot ng klima.
“With all due respect, those are not force majeure… we should be physically showing up and doing our jobs. Not like what has been happening for the past three weeks, where it feels like we are playing tag over issues that primarily concern only ourselves,” ani Hontiveros.
("May buong paggalang, hindi naman 'yan force majeure... dapat ay pisikal tayong pumupunta at gawin ang ating mga trabaho. Hindi tulad ng nangyayari sa nakalipas na tatlong linggo, kung saan parang pinaglalaruan lang natin ang mga isyung pangunahing may kinalaman sa ating mga sarili”)
Samantala, nanawagan naman si Senador Sherwin Gatchalian na sundin ang tamang proseso sa pagtalakay ng panukala at ipaubaya muna ito sa Committee on Rules bago dalhin sa plenaryo.
“Ang proseso dapat pumunta ito sa committee [on rules]. Doon sa committee pag-uusapan ‘yan, pagdedebatehan ‘yan… Pagtapos pag-usapan sa committee, ibabalik sa plenaryo. Hindi nangyari yun kaya kahapon nagkagulatan na meron palang ganyan na pag-uusapan,” pahayag ni Gatchalian sa isang panayam sa DZMM.
Sa pagbubukas muli ng sesyon sa Lunes, inaasahang tatalakayin muli ng Senado ang kontrobersyal na panukala sa online attendance at voting, habang nakahanda ang minority bloc na ipagpatuloy ang kanilang pagtutol dito.
Written by Isaiah Adorza
Isaiah Adorza is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



