Humarap na sa media si alias Mel Oragon, 44-anyos na volunteer driver ng National Bureau of Investigation (NBI) na naaresto kaugnay sa nangyaring putukan sa loob ng Senado noong Mayo 13, 2026.
Inaresto si Oragon matapos makitaan umano ng baril na pinaniniwalaang ginamit sa insidente at nagpositibo sa paraffin test, ngunit kalaunan ay itinanggi niya ito.
“Wala po, wala akong pinaputok na anumang uri ng baril. Simula no'ng pumunta kami hanggang nakabalik po ako. May video po na magpapatunay na wala po akong baril," pagtanggi nito sa media.
Ayon kay Oragon, hindi siya humawak o nagpaputok ng baril, kaya nagtaka siya nang magpositibo sa paraffin test at nakitaan ng residue ng gunpowder.
Itinanggi naman ni NBI Director Melvin Matibag na inisyuhan niya ng baril si Oragon at posible umanong nakuha nito ang gunpowder sa mga humawak sa kanya na Senate security—dahilan kaya nagpositibo sa paraffin test ng PNP.
Paglilinaw ni Oragon na napag-utusan lamang siya na kunin ang naiwang bag ng kanilang kasamahan na may lamang gamot sa GSIS building.
"Nakabalik na kami sa office, nagkaroon ng kaunting briefing ng mga ahente. More or less 30 minutes bigla akong tinawag at sinabihan ako na may naiwang bag ang isa sa kasamahan namin at kailangan na makuha dahil may mga gamot na laman. Kailangan ng may-ari," paliwanag ni Oragon.
Sinalubong umano siya ng dalawang guwardiya na nagpakilalang taga-NBI. May tumulong umano sa kanya papuntang ikalawang palapag kung saan naiwan ang bag, at doon ay inaresto na siya ng mga kapulisan.
Iginiit din ni Oragon na hindi niya nakita o nahawakan ang bag na pinapakuha sa kanya.
Ayon sa driver, na naging volunteer mula pa noong 2016 at isang Army Reservist simula 2012, may karanasan siya sa mga baril, ngunit hindi kasama sa kaniyang tungkulin ang paghawak ng armas sa mga operasyon ng NBI.
Kinumpirma naman ng Southern Police District (SPD) na walang nakumpiskang baril sa suspek, kaya nagtataka ang mga awtoridad kung bakit ito nagpositibo sa paraffin test.
"Ako'y napagutusan lamang po, ako'y isang volunteer ng NBI at paminsan-minsan ay nagmamaneho ng sasakyan ng bureau," saad ni Oragon.
Samantala, pansamantalang pinalaya na si Oragon mula sa Pasay Police Detention Facility at nakapagpiyansa ng ₱116,000 na pinondohan ng pribadong donasyon kaugnay sa kasong direct assault at violation of the firearms law.
Written by Vjey Fabros
Vjey Fabros is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



