Mainit ang mga naging talakayan sa publiko nitong Mayo 28, 2026 dahil sa paggiit ni Senador Robinhood “Robin” Padilla na maituturing umanong "force majeure" o hindi inaasahan o maiiwasang pangyayari ang gyera sa Middle East, tensyon ng Taiwan at China, at pati na ang El Niño—dahilan upang isulong ang remote attendance o ang pagdalo ng mga senador sa sesyon sa pamamagitan ng online conference, na bahagyang tinutulan ng ilang mambabatas at eksperto.
Sa isang Facebook post ni Senador Padilla noong Miyerkules ng gabi, May 27, nagtanong ito kung maaaring ituring na force majeure ang umiiral na tensyon sa Middle East at ang posibleng sigalot sa pagitan ng China at Taiwan.
“War/gera/digmaan sa Gitnang Silangan na nagreresulta na ng terorismo sa ibat ibang parte ng mundo, ang napipintong pagkadawit ng Pilipinas sa China-Taiwan conflict. Hindi po ba ito force majeure?", saad ni Padilla.
Tinutulan naman agad ito ng ilang miyembro ng minorya sa kaugnay sa isinusulong ng mayorya na teleconference o remote participation ng mga senador.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, hindi maituturing bilang force majeure ang mga sigalot o pangyayari sa labas ng bansa para sila ay magtrabaho online.
"’Yung gyera sa Middle East, ‘yan po ay nangyayari sa mga mamamayan dun sa ibang rehiyon pa, precisely sa Middle East," saad ni Hontiveros.
Nagbigay din ng komento si Senador Panfilo Lacson sa kanyang X account sa post ni Padilla, aniya hindi maituturing na force majeure ang mga sinabi ni Padilla kung hindi “UNFORCED ERROR.”
Naglabas naman ng opinyon si Attorney Paolo Tamase, isang associate Dean ng University of the Philippines (U.P.) College of Law, sa isang panayam. Saad niya na ang ganitong mga pangyayari ay hindi kasama sa karaniwang napagkakasunduan ng mga partido, kaya maaaring masuspinde ang kanilang mga obligasyon at sesyon.
“Sobrang laki, labas sila doon sa kino-contemplate or ikinokonsidera ng parties sa isang agreement, therefore, normally ang effect niyan pagdating sa mga obligasyon ay nasususpend ang kanilang obligasyon,” ani Tamase.
Matatandaan na nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng Mayorya at Minorya noong Mayo 26 matapos ihain ni Marcoleta ang isang mosyon na nauwi sa pag-walkout ng mga senador sa minorya mula sa session hall.
Samantala, nananatiling usapin sa Senado ang paggamit ng force majeure bilang batayan sa isinusulong na remote participation, kasabay ng magkakaibang pananaw ng mga mambabatas.
Written by Vjey Fabros
Vjey Fabros is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



