MAYNILA, PILIPINAS — Ipinahayag ni Senador Robin Padilla na hindi aniya hahadlangan ang nakatakdang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos itong ma-impeach ng ikalawang pagkakataon ng House of Representatives nitong Mayo 11, 2026.
Ayon kay Padilla, malinaw sa Saligang Batas ang proseso ng impeachment kaya’t hindi ito maaaring pigilan ng sinumang mambabatas at ang mga kapartido ng mga Duterte.
“Hindi naman pwedeng harangin ‘yun, kasi Saligang Batas ‘yun. Hindi natin pwedeng harangin ang pag-convene ng impeachment court dahil malinaw ‘yan sa Saligang Batas,” ani Padilla.
Kabilang si Padilla sa minorya ng Senado at itinuturing na isa sa mga tagasuporta ng Bise Presidente.
Ipinaliwanag niya na tungkulin ng minorya sa Senado ang magpahayag ng pagtutol sa mga isinusulong na hakbang, kabilang na ang impeachment proceedings, ngunit hindi umano ito dapat ituring na pagkiling o bias.
“Di ba ang papel naman ng minority to oppose? Lahat ng bagay dito, ang trabaho namin ay i-oppose. Trabaho po ng minority yun. Yan po ang parliamentary procedure na dapat naming sundin,” dagdag niya.
Sa hiwalay na pahayag, ibinahagi rin ng senador ang kanyang saloobin sa naging kalagayan ng minorya sa Senado noong nakalipas na mga pagbabago sa liderato, kung saan inilarawan niya ang kanilang sitwasyon bilang mabigat at mahirap.
"Eh, kawawa naman ’yung dating minority. Masyado naman kaming binubugbog," saad ni Padilla.
Samantala, sinabi rin ni Padilla na habang wala pang pormal na impeachment trial, nananatili pa ang kalayaan ng mga senador na magpahayag ng kanilang opinyon, ngunit inaasahan umanong magbabago ito sa oras na pormal nang magsimula ang impeachment trial.
Written by Vjey Fabros
Vjey Fabros is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



