Naging mainit ang sesyon sa Senado matapos magpakita si Senador Imee Marcos ng isang video presentation kaugnay ng alleged political agenda laban sa pamilya Duterte, kabilang ang usapin ng impeachment, Charter Change o Cha-cha, term extension, at planong “no-election” scenario sa 2028.
Sa kanyang privilege speech noong Mayo 25, sinabi ni Marcos na may mga dokumento at impormasyon siyang natanggap na naglalaman ng mga panukalang maaaring makaapekto sa susunod na halalan. Kabilang dito ang alegasyon na may mungkahing itaas sa 50 taong gulang ang minimum age requirement para sa pagtakbo sa pagkapangulo—isang hakbang na ayon sa kanya ay maaaring pumigil kay Sara Duterte na tumakbo sa 2028 presidential elections.
Ayon pa sa senador, sa halip na tutukan ang tumataas na presyo ng bilihin at iba pang suliraning kinakaharap ng taumbayan, umano’y mas inuuna ng ilang opisyal ang mga usaping pampulitika at pagbabago sa sistema ng pamahalaan.
Samantala, mabilis namang umani ng reaksiyon mula sa Senate Minority ang naturang presentasyon. Tinawag ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na isang “propaganda tool” at “unparliamentary” ang ipinakitang video ni Marcos. Dahil dito, naghain siya ng mosyon upang ipabura o i-expunge ito mula sa opisyal na rekord ng Senado.
Sinuportahan ng mga senador mula sa minorya na sina Senador Vicente "Tito" Sotto III, Erwin Tulfo, Francis “Kiko” Pangilinan, Sherwin Gatchalian, Panfilo “Ping” Lacson, Benigno “Bam” Aquino, Raffy Tulfo, Risa Hontiveros, at Joseph Victor "JV" Ejercito ang mosyon, habang tumutol naman si Senador Rodante Marcoleta.
Mariin ding pinabulaanan ni Sotto ang alegasyong konektado siya sa umano’y plano para sa term extension at pagbabago sa age requirement ng pagkapangulo. Giit niya, wala siyang kinalaman sa anumang panukalang “no elections,” maging sa Cha-cha, at hindi siya kailanman naging pabor dito.
Patuloy namang pinag-uusapan online at sa iba’t ibang sektor ang naging tensiyon sa Senado, lalo na’t papalapit ang mga usapin kaugnay sa 2028 elections at impeachment proceedings laban kay Vice President Duterte.
Written by Jan Gabrielle Visda
Jan Gabrielle Visda is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



