Itinaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Batanes matapos lumakas ang low-pressure area sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at maging Tropical Depression nitong Biyernes, sa pangalang “Ester.”
Batay sa ulat ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo 225 kilometro sa kanluran ng Itbayat, Batanes, dakong alas-3:00 ng madaling araw.
Ang Ester ay mayroong lakas na hanging 45 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 55 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-silangan sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Ayon sa PAGASA, maaaring magdulot ang bagyo ng malalakas na hangin at pag-ulan sa Batanes.
“In Batanes, expect possible strong wind gusts and heavy rains brought by Tropical Depression Ester,” ani PAGASA weather specialist Obet Badrina.
(Sa Batanes, asahan ang posibleng malakas na bugso ng hangin at malalakas na pag-ulan na dulot ng Tropical Depression Ester.)
Inaasahan ding ito'y tatahak patungong Taiwan at posibleng makalabas ng PAR sa Sabado ng umaga.
“Posible po by tomorrow, araw ng Sabado, ay nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility bandang umaga,” saad pa ni Badrina.
Samantala, patuloy na nakaaapekto ang habagat sa ilang bahagi ng kanlurang Luzon. Inaasahan ang pag-ulan sa Ilocos Region, Abra, Benguet, at Zambales. Nakararanas naman ng maulap na panahon at kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Bataan, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.
Pinaalalahanan din ng PAGASA ang publiko sa pagsisimula ng tag-ulan sa bansa sa mga susunod na buwan.
Written by Isaiah Adorza
Isaiah Adorza is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



