Mahigit 153,000 na mga mag-aaral mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang kasalukuyang kumukuha ng University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) 2027, na isinasagawa ngayong Agosto 1 at 2 sa 118 testing centers sa buong bansa, bilang paghahanda sa pagpasok sa Academic Year 2027–2028.
Ayon kay UP System Office of Admissions Director Gerald Pio Franco, humigit-kumulang 53,000 sa mga examinee ang nakatalaga sa mga testing center sa UP Diliman, habang ang iba ay kumuha ng pagsusulit sa mga UP constituent universities at mga partner schools sa iba’t ibang rehiyon.
Mas marami ang testing centers ngayong taon kumpara sa mga nagdaang admission cycle. Mula sa 114 testing centers noong 2024 at 117 noong 2025, umabot na ito sa 118 ngayong 2026. Layunin nitong gawing mas abot-kamay ang UPCAT para sa mga aplikanteng nagmumula sa malalayong lalawigan at mabawasan ang kanilang gastusin sa paglalakbay.
Sa kabila ng malaking bilang ng mga kumuha ng pagsusulit, limitado lamang ang matatanggap sa UP System. Sa nakaraang admission cycle, 18,350 lamang sa 147,437 na examinees ang nakapasa, na katumbas ng 12.44% passing rate, kaya inaasahang magiging mahigpit muli ang kompetisyon para sa Academic Year 2027–2028.
Samantala, maaga pa lamang ay dumagsa na ang mga aplikante at kanilang mga magulang sa iba’t ibang testing centers upang matiyak na makararating sila bago magsimula ang pagsusulit. Naging maayos naman ang pangkalahatang takbo ng unang araw ng UPCAT, ayon sa UP Office of Admissions, sa kabila ng ilang maliliit na isyung agad ding natugunan ng mga organizer.
Inaasahang ilalabas ng University of the Philippines ang opisyal na resulta ng UPCAT 2027 sa unang kalahati ng 2027, matapos ang masusing pagproseso ng mga sagot at pagsusuri ng mga aplikasyon. Libu-libong kabataang Pilipino ang umaasang maging bahagi ng hanay ng mga Iskolar ng Bayan sa isa sa mga nangungunang pamantasan sa bansa.
Written by Erika Jane Dingding
Erika Jane Dingding is a dedicated campus journalist and contributor. Their insightful writing sparks meaningful conversations and keeps the community informed.



